Ang higit na kawawa sa ganitong nangyayari ay ang taumbayang sagad na sagad na sa paghihigpit ng sinturon. Sa bawat taas ng presyo ng gas, sumasabay naman ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Hindi rin naman magawang mamonitor ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga ginagawang pansasamantala ng mga negosyanteng matatakaw. At bago pa makakilos ang DTI, nabiktima na ang mga kawawang consumers.
Ang isang masaklap na nangyayari ngayon ay ang pandaraya ng mga walanghiyang gasoline stations sa mga motorista. Imagine, halos wala nang kinikita ang mga jeepney drivers sapagkat napupunta lamang sa gasoline at diesel pero dinadaya pala sila. Kulang ang isinasalin na gas sa kanilang sasakyan. Kulang ito ng ilang milliliters sa bawat litro sapagkat tinampered ang pump. Hindi naman ito napapansin ng mga motorista sapagkat tama naman ang nakarehistrong gas na isinasalin ang hindi nila alam, depektibo ang gas pump. Sa Quezon City may pinakamaraming mandarayang gasoline stations. Ayon sa report ng Quezon City Treasurer Office, may 44 na gasoline stations ang itinurong nandadaya sa pagsasalin ng gas. Kulang ang isinasalin sa kanila. Agad namang pinaigting ni Quezon City Mayor Feliciano Belmonte Jr. ang pagmamanman sa mga gasolinahang mandaraya. Nagsagawa na ng insfection si QC Treasurer Dr. Victor Endriga sa mga gasolinahan sa Quezon City. Hiniling ni Endriga sa city council na lumikha ng batas na magpapataw nang mabigat na parusa sa mga operator ng gasolinahan na kanilang mahuhuling nandaraya.
Hirap na hirap na ang mga motorista sa walang tigil na pagtaas ng petroleum products at ang masaklap ay dinadaya pa. Nasaan ang konsensiya ng mga may-ari ng gasolinahang ito? Nararapat lamang na malantad sa publiko ang mga mandaraya. Sa oras na mapatunayan, patawan sila nang mabigat na parusa. Huwag silang kaawaan. O mas maganda, buhusan sila ng gasolina at saka sindihan.