Magandang marinig na magbabawas ang gobyerno sa mga gastusin. Babawasan na ang pagbibiyahe sa abroad ng mga government officials, pagdaraos ng mga seminars, parties at babawasan na rin ang mga overtime. Babawasan din ang pagkunsumo sa fuel at electricity. Ayon kay Budget Sec. Emilia Boncodin, makatitipid ang pamahalaan ng P400 milyon kung isasagawa ito. Noong nakaraang taon, P4 bilyon ang nagastos sa fuel at elektrisidad.
Babawasan din umano ng gobyerno ang papalathala ng mga paid advertisements, pagdaraos ng mga trainings at workshops. Hindi na papayagang magdaos ng sports activities na wala namang kaugnayan sa function ng ahensiya. Ipagbabawal na ang pagbibigay ng mga donasyon, grants at regalo. Hindi na rin magha-hire ng mga consultants.
Sariwa pa sa isipan ang mga sinabi ni Mrs. Arroyo noong June 30, 2004 na kanyang inagurasyon. Ipinangako niya na magtitipid ang gobyerno. Aalisin ang mga hindi napapakinabangan. Sabi niya "I pledge to reduce spending where government doesnt work and increase spending where government can make a difference for the better."
Maganda ang mga balak. Malinaw at tiyak na magkakaroon ng bunga kung isasagawa. Kung hindi isasakatuparan, kawawa ang bansa. Sabi nga ng mga UP economists, babagsak ang bansa sa loob ng tatlong taon kapag hindi nakagawa ng paraan ang gobyerno. Hamon ito kay Mrs. Arroyo. Isulong ang mga balak kaagad-agad. Kilos na. Malinaw naman ang puntirya kaya hindi na dapat pang mag-urung-sulong sa pagsasagawa nito. Mas makabubuti kung pangungunahan ang pagsasakripisyo.