Kahit na mismo ang TV network kung saan pinapalabas ang BITAG tuwing Sabado, ang Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC), nakakatanggap ng mga tawag sa telepono, may mga nagpapanggap na sila raw ay mga taga-BITAG.
Hindi estilo ng BITAG ang magpakilala na siya ay undercover at miyembro ng aming surveillance team. Kapag nangyari ito, "sunog" at inutil na siya sa aming grupo. Rule # 1 ito sa BITAG.
Ilang beses ng nalagay sa mga alanganin ang ilan sa aming undercover. Ni hindi man lang nila ginamit at kinaladkad ang aming pangalan. Nagugulat na lang ang mga otoridad kapag akoy sumulpot na sa eksena upang ipaalam sa kanila na may tinatrabaho ang aming grupo.
Dito, mismong mga otoridad na ang nagpi-prisintang tumulong. Alam nila ang panganib ng trabahao namin. Respetado nila ang ginagawa ng BITAG dahil kasama namin sila sa mga aktuwal na operasyon, pulis, militar at NBI.
Marami ang mga nagkakandarapang nagpi-prisintang gustong maging kabahagi ng aming grupo. Sila yung mga oportunistang walang silbing iniiwasan namin.
Sila rin yung mga lumalapit at humihingi ng ID, T-shirt at jacket, maging ang aking mga business card, bastat may tatak ng BITAG.
Hindi namin estilong mamigay, sabihin nyo ng maramot ang BITAG, wala kaming pakialam! Pinangangalagaan namin ang aming pangalan.
Mataas ang respeto ng bawat miyembro ng BITAG sa propesyong ito. Alam naming hindi ganon kadali dalhin ang pangalan ng BITAG. Pinaghirapan naming makamit ang "titulo" bilang kinakatakutang investigative team ng mga tiwali, abusado at manloloko.
Dalubhasa ang mga miyembro ng BITAG. Ako ang personal na nagsanay sa mga ito at lahat sila mga bata at ta-pos ng journalism o masscom sa kolehiyo. Maituturing na mga idealist sa larangan ng sinasabing investigative journalism.
Ayaw na naming magsalita, gusto naming husgahan kami sa mga resulta ng aming mga gawain. At doon sa mga kakompetensiya naming naiinggit, sige ipagkalat nyong foul ang ginagawa namin dahil hindi nyo kasi kayang tumbasan.
Babala namin sa lahat, sa sinumang nagpapakilalang siyay taga-BITAG at hindi naaayon sa aming prinsipyo na inyong nabasa, ipagbigay-alam agad sa mga numerong nakasulat sa ibaba ng kolum na ito. May nakahanda kaming patibong para sa mga hinayupak.
Itaga niyo sa bato, sasampulan namin kahit sino kapag ginamit ang pangalan ng BITAG sa kanilang kabastusan, katarantaduhan, kawalanghiyaan at ano pa mang di kanais-nais na gawain.