Nag-aral pero hindi natuto

BALIKBAYAN si John sa baryong tabing-dagat, at pinapanood si Tata Jose idaong ang bangka. "Gaano katagal mo bago mahuli ang kaisa-isang tuna na ‘yan?" usisa niya sa matanda na hindi nakatapos ng high school.

"May katagalan din," sagot ni Jose.

"Bakit di ka mangisda pa, para mas marami ang huli mo?" giit ni John.

"E malaki na ito," ngiti ni Jose. "Ibebenta ko, maliban sa buntot, na ulam ng pamilya. May baon na si bunso, magsisiyesta kami ni Nana, tapos gigitarahan ko ang bata maghapon, saka konting inuman sa gabi."

Payo ni John: "Makinig ka sa akin, Tata Jose, dahil graduate ako ng MBA sa Harvard. Dapat tatagalan mo ang pangingisda, para mas malaki ang kita. Makakabili ka nang mas malaking bangka. Di maglalaon, dadami pa ang bangka mo. Ikaw na ang mag-eempleyo ng mga tao rito. Hindi mo na kailangang ibenta ang huli nila sa middle-man, makakadiretso ka sa processor. Makakapagtayo ka ng sarili mong processing plant. Masosolo mo ang supply at distribution ng isda pati sa bayan. Makakalipat ka na sa siyudad, at lumipad sa California, tapos sa New York, kung saan mae-expand mo ang malaking negosyo mo."

"Gaano katagal naman ito aabutin?" kamot ni Tata Jose sa ulo.

"Mga 15 hanggang 20 taon," yabang ni John.

"Tapos, ano ang mangyayari?"

Natawa si John: "‘Yon ang pinaka-masarap sa lahat. Ibebenta mo ang bahagi ng kompanya sa stock market. Magiging milyonaryo ka."

"Milyonaryo kamo? At pagkatapos, ano ang mangyayari?"

"Aba’y pag mayaman ka na, puwede ka nang magretiro," bugnot na si John. "Makakalipat ka na sa isang baryo sa tabing-dagat. Para malibang, mangingisda ka lang sa umaga. Tapos, uwi para magsiyesta kayo ni Nana. May oras ka buong hapon maggitara, at makipag-inuman pa sa gabi."

"Ibig mong sabihin," takang-taka na si Tata Jose, "bilang tapos ng MBA sa Harvard dapat mo gawin lahat ‘yan para makarating kung nasaan ako ngayon?"

Show comments