Utos ni Sec. Reyes na hulihin ang mga pulis na gumagamit ng carnapped vehicles,palpak !

NOONG nakaraang Lunes ng umaga (Agosto 16) nabigla ang ilang mga pulis sa buong bansa nang biglaang magkaroon ng inspeksiyon sa lahat ng mga sasakyan palabas mula sa loob ng himpilan. Ang siste mga suki, biglaan ang kautusan ni Interior and Local Government Secretary Angelo Reyes kay PNP Director General Hermogenes Ebdane na hulihin ang mga pulis na gumagamit ng mga recovered carnapped vehicles.

At dahil sa kautusan ni Reyes agad namang ipinatupad ng mga district at regional director ang naturang direktiba, siyempre marami sa mga pulis ang nabahag ang buntot nang sila ay harangin sa mga exit gate sa kadahilanang walang maipakitang dokumento na kanila nga ang naturang sasakyan.

Maraming sasakyan ang pinigil at hindi pinayagang makaalis maging ito’y pag-aari ng opisyal, kung baga’y walang sinasanto ang mga nagbabantay sa gate para walang makalusot. At alam ba ninyo kung bakit? Karamihan pala ng mga sasakyan na ginagamit ng mga pulis ay walang kaukulang dokumento o dili kaya’y mga paso na ang rehistro.

Siyempre magugulang ang iba, nang malamang mahigpit ang nagbabantay ay iniwanan na lamang nila ang kanilang mga sasakyan sa tabi-tabi at binalikan na lamang nila pagsapit ng gabi, dahil wala nang nagsisita. Ang galing din namang magpalusot ng mga kawatan ano mga suki? He-he-he!

Eh di lumalabas na balewala rin ang kautusan ni Reyes, kung sa araw lamang sila maghihigpit. Marami tuloy ang natawa sa ating mga kapulisan dahil sa sistemang "hide and seek". At ayon sa kanila, dapat lamang na ipatupad ito ng lubusan upang malinis ang kanilang hanay.

"Matagal na ‘yang nangyayari, ang ilan nga d’yan ay pag-aari ng mga dayuhan na nahuli sa illegal na droga," sabi ng mga nakausap ko. Madali naman daw umanong magagawan ng paraan iyan. Paano pa makapapalag ang isang dayuhan kung nakakulong na siya o di kaya’y nakipag-areglo lamang siya sa ilang kawatang arresting officers?

Ayon pa sa aking mga nakausap na mga pulis, hindi lamang karnap na sasakyan ang kanilang tingnan, dapat lamang na i-lifestyle check ang ilang kapulisan lalo’t may mga opisyal umano na nagkakaroon ng maraming sasakyan at sumisikip na sa kanilang garahe kaya’t ang ilan sa mga ito ay iniiwan na lamang sa himpilan.

Ang ilan naman umano ay kumakahoy ng mga piyesa sa mga recovered carnap o kaya’y sa crime evidence vehicles upang kanilang gamitin sa pag-aasembol ng mga owner jeep, maging ang mga mugs at gulong ay kanilang pinapalitan ng luma o kahit anong piyesa na maari nilang ikabit sa kanilang mga sasakyan.

At ang gasolinang dapat ay ilagay sa mga patrol car upang magamit sa pagpatrulya ninanakaw pa nila at ginagamit nila sa kanilang personal na sasakyan. Hindi lang pala mandarambong, mga "pa-ihi gang" pa pala ang mga ito. Kaya nang magkahigpitan, pawang mga mobile car na lamang ang makikitang nakapila at nagkakarga ng gasolina. Aba, mukhang nakakatipid ang PNP dito, di ba mga suki, he-he-he!

Kaya lang po Secretary Reyes, bakit dalawang araw lang ang iyong kampanya, Mayroon bang PO1 hanggang heneral na mapaparusahan sa iyong kampanya? Baka naman press release lamang ito?

Abangan natin mga suki ang paunang hakbang ni Reyes sa paglilinis sa hanay ng pulisya.

Show comments