Ugaling Pilipino ang kabutihang-asal. Panahon pa ng Kastila sinulat ang Urbana at Felisa, librong naglilista ng wastong pagkilos, mga payo ng nakatatandang Urbana sa nagdadalagang kapatid na Felisa. Dinagdagan pa ito ng Good Manners and Right Conduct (GMRC), na itinuro sa public schools ng mga Amerikano. At sa modernong panahon, tinuturo pa rin ito sa mga bata, bukod sa pag-ulit sa mga tula at awit. Kung di ito alam ng mga binatat dalaga ngayon, pinapakita lang nila na wala silang pinag-aralan. Absent sila o tulog habang nagle-lecture ang titser.
Sa pagkakamay ng dalawang tao, halimbawa, maghintay dapat ang nakakababa na iabot ng nakatataas ang kamay. Nagtataas-taasan ang mababang nakikipag-kamay sa may ayaw. Kung babaet lalaki, dapat hintayin ng huli na mag-abot ng kamay ang una. Nantsa-tsansing ang lalaking hindi makahintay.
Sa pagpapakilala sa dalawang tao, unang binabanggit ang nakatataas bago ang nakabababa. Halimbawa: "Madame President, may I introduce to you Mr. Juan dela Cruz."
Sa pila, wala dapat tulakan. Sa pagmamaneho, walang gitgitan. Ang nakikipag-unahan, asal hampas-lupa. Hindi makahintay sa pagdating ng jeepney o pag-abot ng ostiya sa simbahan, o pagtawid ng naunang sasakyan. Akala mo naman, mauubos ang jeepney o ostiya o kalsada.
Paupuin ang matanda at babae, lalo na ang buntis, sa bus, tren o sinehan. Magbigay galang sa matatanda, sa bahay man o sa kalye. Magsanay sa mabuting asal. Kung ang kordero ay lumuluhod para sumuso, tao pa kaya.