^

PSN Opinyon

Ebdane dapat secretary ng Finance,Budget,DTI atbp!

PANAGINIP LANG - Nixon Kua -
SUNUD-SUNOD na miyembro ng media ang napapatay. Marami na ring miyembro ng hudikatura ang napapatay. Mataas na rin ang bilang ng mga negosyante ng napapatay ng mga kriminal lalo na mga kidnapper na patuloy silang binibiktima kahit na sinasabi ni Sec. Angelo Reyes na lutas na ang ganoong problema.

Tunay na nakakalungkot at ang katotohanan, nakakatakot pero ano ang gagawin natin, kasama na po ang inyong lingkod na alam naman ninyong noon pa nakakatanggap ng mga death threats dahil sa mga sinisiwalat ko at paninindigan sa iba’t ibang isyu.

Sa aming mga mamamahayag kasama talaga sa aming trabaho ang isiwalat ang katotohanan at hindi maiiwasan ang may masagasaan. Tungkulin namin ang ipaalam sa sambayanan ang mga tiwaling bagay na nangyayari sa lipunan lalo na sa ating pamahalaan.

Ganoon din ang mga judges na walang maaaring maging desisyon na liligaya ang lahat. Natural pag hinatulan ang akusado ay galit ang akusado, ang pamilya nito, ang mga kakampi nito at pati mga kaalyado nito. Pag pinawalang sala naman nila, galit naman ang nagdemanda o biktima, ang kapamilya nila at pati kaibigan at kakilala nila.

Nasa gitna ng nag-uumpugang bato ang mga huwes lalo na yung mga may hawak ng mga karumal-dumal na krimen gaya ng kidnapping, drugs, rape at iba pa.

Ang mga negosyante naman, dahil sa yaman nila ay hindi rin makakaiwas sa tangka sa kanilang buhay, lalo na sa mga kidnappers na bagama’t marami na ang nahuhuli ay may mga natitira pa.

Bukod sa mga kidnappers, iba sa kanila ay marami ring kalaban kahit sa negosyo na gusto silang ipaligpit at sa iba pang mga kriminal na gusto silang isahan.

So paano ang gagawin natin, maaari bang magtago na lang sa kani-kanilang pamamahay ang mga miyembro ng media, judges at mga negosyante. Eh paano kung sa bahay naman sila pasukin.

Kung hindi sa bahay puwede bang mangibang bayan na lang tayong lahat. Kaso bibigyan ba tayong lahat ng visa at kung bigyan man ano naman ang gagawin natin sa ibang bansa, lalo na tayong mga media at judges. Ang mga negosyante naman kaya nila, kasi may puhunan sila.

So ano ang gagawin natin, ano ang gagawin ng kapulisan? Noong kainitan ng kidnapping ay pumayag sila na luwagan ang pag-isyu ng baril sa mga negosyanteng Pilipino-Chinese. Naging solusyon ba ito sa kidnapping, hindi!!! Ang naging solusyon ay ang walang tigil na pagtugis sa mga kidnapper ng grupo ng National Anti-Kidnapping Task Force ni Sec. Angelo Reyes.

Hindi ito nilubayan, gaya ng kampanyang ginawa ni Sen. Panfilo "Ping" Lacson noong siya pa ang hepe ng PNP, at bumaba nga ang kaso ng kidnapping. Totoong may natitira pa pero kita naman natin na maluwalhating nakakakilos ang mga negosyante ngayon at hindi gaya noon na katakut-takot na bodyguards at armado pa sila.

Ngayon binabalik ni PNP Chief Ebdane ang solusyon na pumalpak sa mga negosyante noong kampanya laban sa kidnapper. Nais niya ay armasan ang mga miyembro ng media at ang hudikatura.

Gaano karami ang miyembro ng media, gaano karami ang miyembro ng hudikatura? Aba baka umabot ng milyon ang bilang sa dami at lahat yan aarmasan.

Pero paano pag meron namang taxi driver na naholdap at napatay, aba dapat diyan armasan din. Kawawa rin naman sila. Paano naman ang mga jeepney drivers, bus drivers at pati mga tsuper ng pribadong sasakyan na nalalagay din sa balag ng alanganin ang buhay.

Eh yung mga umuuwi ng gabi na mga manggagawa na dumaraan sa mga madidilim na lugar o di kaya’y nakatira sa lugar na magugulo at hindi makakaiwas sa mga naglalasingan sa kalye.

Paano naman ang mga nagtitinda ng balut na madalas kursunadahin ng mga lasing o kaya mga waiters, waitresses at pati mga GRO na sa gabi nagtatrabaho. Mga artistang ginagabi sa mga shooting o kaya mga performer na panggabi.

Eh yung mga kabataang gumigimik hindi ba meron ding nabibiktima ng krimen.

Isa pa, hindi lang naman gabi may mga holdap at iba pang krimen. Paano ang mga estudyanteng papuntang school na naaagawan ng cell phones o mga magulang nila.

Yung mga nagtitinda ng taho, mga tindero at tindera sa palengke nahaharang din ang hinoholdap. Eh yung ordinaryong maybahay na nadudukutan sa palengke at sa kalsada.

Hindi naman siguro dapat General Ebdane na media at judges lamang ang armasan, kahit na miyembro ako ng media. Kung talagang suko ka na sa problema ng krimen at ang paraan na lang ay armasan lahat. Dapat lahat, as in lahat. Walang lamangan.

Malay mo, sa panukalang ‘yan na baka palawigin pa at isama ang buong sambayanan gawin kayong Finance Secretary. Bakit kanyo, e solve na ang problema ng bayan. Baril na ang gawin nating pangunahing negosyo at tiyak payag naman magbayad ng buwis kaya wala nang deficit.

Isa pa, mabubuhay ang industriya ng baril sa Danao, Cebu at baka magiging exporter na tayo. Dapat Secretary of Trade and Industry ka na rin General Ebdane. Bukod pa roon sa concurrent position mo na Finance at Trade and Industry Secretary, dapat din Budget. Sa solusyon mo kasi solve ang problema at meron ka pa rin kayang maresolba.

Dahil lahat may baril, daming mamamatay kaya lifted na ang death sentence ng gobyerno at solve pa ang problema sa population. Dapat dagdag na sa iyo ang position na Chairman ng Population Commission. Galing mo General.

Malay mo baka maging Presidente pa kayo ng Republika ng Pilipinas. Ha-ha-ha!!! Galing mo talaga General este Super Ebdane.

Kayo mga kaibigan ano pa dapat kay Ebdane, text lang sa 09272654341.
* * *
Para sa anumang reaksyon, sumulat lang sa [email protected] o kaya’y mag text sa 09272654341. Mapapakinggan n’yo rin po ang inyong lingkod sa DZEC 1062 mula 4:30 hanggang 6:00 ng hapon, Lunes hanggang Huwebes.

vuukle comment

ANGELO REYES

BUKOD

CHIEF EBDANE

GENERAL EBDANE

LAHAT

NAMAN

PAANO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with