Sinabi ni Assistant Ombudsman Ernesto Nocos mas madaling mabubuking ang mga anomalya sa tanggapan kung ang text ang gagamitin. Marami raw kasi ang natatakot na mag-report sapagkat baka ma-identify ng ituturong corrupt official. Ayon pa kay Nocos, mas madaling magreport ng mga corrupt kung hindi makikilala ang nagsusumbong. Wala siyang ikatatakot sapagkat nakatago ang identity. Ganito ayon kay Nocos ang magiging senaryo kapag itinext ang mga corrupt. Hindi kailanman makikilala at iyan ang kanilang garantiya. Kasali aniya sa mga dapat isumbong o i-text ang mga government officials na ginagamit sa pangsarili ang mga sasakyang may pulang plaka lalo na kapag nagtutungo sa mga club o bahay aliwan. Siguroy puwede na ring i-text ang mga pulitiko na nagpapa-escort gaya ng ibinunyag ng isang sexy starlet.
Maraming corrupt sa pamahalaan at maganda ang balak na ito ng Office of the Ombudsman. Kung magkakaroon ng text power laban sa mga "matatakaw na buwaya" baka ito na ang maging wakas ng kani-lang pananamantala. Baka magkaroon na ng katuparan ang lagi nang pangako ni President Arroyo na mawawalis ang mga corrupt. Bilyong piso taun-taon ang nawawala sa kaban ng bansa dahil sa mga corrupt. Ang perang dapat na gagamitin sa pagpapaunlad ng bansa ay sa bulsa lamang nila sumusiyut.
Pero sanay inilahad din naman ng Office of the Ombudsman ang kahihinatnan sakali at maraming mai-text na "buwaya". Anong parusa ang ipapataw sa mga "buwaya"? Hindi kaya suspensiyon lamang ang ipapataw? Ang hangad ng taumbayan ay makapagdala sa bilangguan ng mga matatakaw na "buwaya". Kung hindi ganito ang kahahantungan, hindi maniniwala ang taumbayan. Lubusan nang mawawalan ng tiwala sa pamahalaang pawang pagbabanta ang nalalaman.