Kasal at diborsiyo

NASA Kongreso na ang isang panukalang-batas na hihikayat sa mag-asawa na limitahan ang kanilang anak sa dalawa. Tila inilalagak ng mga kongresista sa kanilang sarili ang pagiging mga magulang. Nakasaad sa ating Saligang-Batas na tutulong ang ating pamahalaan sa mga magulang na pangalagaan ang kanilang mga anak. Sa Ebanghelyo ngayon, ipinapakita si Jesus na nagsasabi sa mga Pariseo na mali sila sa kanilang interpretasyon ng batas ni Moises (Mt. 19:3-12).

May mga Pariseong lumapit sa kanya at tinangkang siluin siya sa pamamagitan ng tanong na ito: "Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong kadahilanan?" Sumagot si Jesus, "Hindi pa ba ninyo nababasa sa Kasulatan na sa pasimula’y nilalang sila ng Maykapal, lalaki at babae? At sinabi, "Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina, at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila’y magiging isa." Kaya’t hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao. Tinanong siya ng mga Pariseo, "Bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng kasulatan sa paghihiwalay bago hiwalayan iyon?" Sumagot si Jesus, "Dahil sa katigasan ng inyong ulo kaya ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa. Subalit hindi gayon sa pasimula. Kaya sinasabi ko sa inyo: Sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa sa anumang dahilan liban sa pakikiapid, at mag-asawa ng iba, ay nangangalunya. At ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nangangalunya rin."

Sinabi ng mga alagad, "Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag nang mag-asawa." Sumagot si Jesus, "Hindi lahat ay makatatanggap ng simulaing iyan kundi iyon lamang pinagkalooban ng Diyos. Sapagkat may iba’t ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: Ang ilan, dahilan sa kanilang katutubong kalagayan; ang iba, dahil sa kagagawan ng ibang tao ay nagkagayon sila; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa ikauunlad ng paghahari ng Diyos. Ang makatatanggap ng simulaing ito ay tumanggap nito."


Ang kasal ay makabuluhan lamang kapag ito ay nasa konteksto ng darating na paghahari ng kalangitan. Ang diborsiyo, sa anumang anyo at ibang pangalan nito, ay lantarang paglabag sa batas ng Diyos. Sa ganoon ding konteksto, ang kasal sa pagitan ng magkaparehong kasarian ay labag sa layunin ng Diyos gaya ng itinakda Niya sa Genesis.

Dapat manindigan ang mga magulang sa kanilang mga karapatan. Nasa kanila ang pagdetermina kung gaano karami ang anak na kayang palakihin.

Show comments