Kaso sa lupa

Pinayagan ni Aida na magtayo ng bahay si Attorney Cruz sa kanyang lote bilang kapalit ng libreng serbisyong legal nito sa matagal na panahon. Di nagtagal ay nakapagpatayo si Atty. Cruz ng bahay, garahe at ilang kuwarto ng mga katulong nito. At para maging legal ang pag-okupa ni Atty. Cruz sa lupa ni Aida, nagsagawa sila ng kontrata ng paupa.

Samantala, nagkasakit nang malubha si Aida kaya bago pa man ito mamatay ay ipinagbili na niya ang nasabing lote sa kanyang anak na si Belen. Binigyan ni Belen si Atty. Cruz ng opsyon na ibalik nito ang lote o kaya ay magbayad ng renta kada buwan. Hindi pumayag si Atty. Cruz kaya nagsampa ng kaso si Belen.

Pinaboran ng Korte si Belen at iginawad dito ang pamumusesyon ng dalawang lote kasama ang karapatan na kunin ang bahay na nakatayo rito sa halagang P50,000. Binigyan din ng Korte si Belen ng palugit na 90 araw at kung hindi nito mababayaran, ipagkakaloob kay Atty. Cruz ang karapatang bilihin ang lote sa halagang P10,000 sa loob ng 90 araw.

Pinili ni Belen na bilhin ang nakatayong bahay at nagsagawa ito ng kasulatan. Matapos isaalang-alang ng Korte ang halaga ng bahay, bumaba ito sa P47,500. Subalit naisip ni Belen na hindi pala niya kayang magbayad ng nasabing halaga kaya tumanggi siyang bilhin ang nasabing bahay. Iginiit niyang ang opsyon ay mananatili pa ring nasa kanya. Tama ba si Belen?

MALI.
Kapag ang isang partido ay nakapili na sa opsyong ibinigay at inihain na ito sa Korte at itinakda na ang presyo ng bahay, nagiging isang obligasyon ito na maaaring ipatupad ng Korte sa pamamagitan ng isang desisyon. Kung pagbibigyan ang pabagu-bagong desisyon ni Belen ayon sa kakayahan niyang magbayad, maari ring gawin ito ni Atty. Cruz. Sa ganitong sistema ay hindi na matatapos ang pagdinig ng Korte sa kanilang kaso (Tayag vs. Yuseco 105 Phil. 484).

Show comments