Pinatunayan na naman natin na hindi talaga namamayani ang kasamaan sa ibabaw ng mundong ito, di ba mga suki? Sino kaya ang susunod sa yapak ni Jun Lim? Tama lang na hindi nagpaiwan si Jun Lim sa lokal na pulisya dahil tiyak kakagatin siya ng kanyang kapwa pulis. Kasi nga sa tagal ni Lim sa puwesto niya, ni isang opisyales ng lokal na pulis ay wala siyang pinagbigyan sa mga pakikiusap sa mga kaso kahit hindi naman kalakihan. Ang loyalty kasi ni Lim ay sa mga Abalos at mukhang hindi niya napaghandaan ang panahon na mawala ang angkan ni Comelec chair sa puwesto tulad ng nangyari sa ngayon. Talagang marunong ang Diyos. Binigyan niya ng senyales si Jun Lim at sana ay matuto na itong lumingon sa pinanggalingan niya kapag nakuha niyang muli ang anti-vice unit nga. Hindi naman galing sa mayamang angkan si Jun Lim kayat nagtataka ang mga kakilala niya kung bakit galit siya sa mga mahihirap na residente ng Mandaluyong na pinahirapan niya ng husto.
Bago umalis na tuluyan si Jun Lim, dapat sigurong paimbestigahan ni Mayor Gonzales ang bodega ng anti-vice unit na matatagpuan sa mataas na gusali ng police station. Ayon sa mga pulis-Mandaluyong na nakausap ko, ang mga nakulimbat ni Jun Lim at mga tauhan niya sa mga ilegal ay nandoon sa bodega nakaimbak. Puno raw ang bodega, anang kausap ko, ng bigas at kung anu-anong klaseng de-lata at sardinas. Kaya kahit ilang taon pang wala sa puwesto itong si Jun Lim, hindi magugutom ang kanyang pamilya dahil sa mga nakatagong pagkain sa bodega niya.
Ang labis na nasiyahan dito sa pag-resign ni Jun Lim ay si alyas Diday. Kung noon may mahigit 30 puwesto si Diday ng racehorse bookies sa Mandaluyong City, eh nabokya na siya sa ngayon dahil sa lupit ng grupo ni Jun Lim. Pero kahit wala na si Jun Lim hindi pa rin makabalik si Diday sa dati niyang negosyo dahil tumaya siya sa maling baraha ng nakaraang elections. Kayat markado na itong si Diday at sa tingin ng mga kausap kong pulis, eh Divine intervention ang kailangan niya para makapagbukas siyang muli ng mga butas sa karera nga. Sino kaya ang papalit kay Jun Lim? Abangan!