Dati-rati ang Baguio ay maginaw. Ngayon mainit na rin, parang Cubao, dahil halos wala nang puno sa gitna ng siyudad. Dati ang Baguio ay tahimik. Ngayon nakakatulig na ang busina at garalgal ng makina ng mga sasakyan. Dati ang amoy ng Baguio ay pine tree. Ngayon usok na. Dati ang Baguio ay maayos at tahimik. Ngayon kahit saan ay may trapik, naglipana ang bukas-kotse at akyat-bahay, nagkalat ang signboards ng mga negosyo sa gilid ng buildings o sa bangketa, salasalabat ang flyovers, at tambak sa basura.
Ang Session Road hindi na kaakit-akit sa mga nagde-date, kasi ang halaman sa gitna ay gawa na sa semento. Ang tanawin mula sa Mines View Park, hindi na yung walang katapusang sapin-sapin ng Cordillera mountain range, kundi namumutiktik na shanties, pabrika at resort. Ang mga kalye papuntang Lourdes Grotto, Cathedral at Wright Park, kinain ng encroachment at vendors ang bangketa. Ang Burnham Park, parang malaking palengke. Ang dating watersheds at gubat sa paligid, pinasok ng squatters, ilegal na nagpuputol ng puno. Kapos sa tubig ang siyudad, dahil hinigop na ng malalaking hotels at subdivisions. Camp John Hay lang ang natitirang magandang pasyalan pero kung may sariling kotse.
Kakatwa na ang Pugo, La Union, sa paanan ng kalsada paakyat ng Baguio, ay replanted ngayon ng punongkahoy, habang ang tinaguriang summer capital ay kalbo. Tinamnan ng Caltex-Philippines ang daan-daang ektarya roon, habang ang Baguio ay sumisigaw ng "environment restoration." Sayang, ang dating scenic university town sa tuktok-bundok ay naging isang giant commercial complex.
Kung hindi maibalik ang dating ganda ng Baguio, sa ibang resorts na lang papasyal ang turista. Sana huwag magkaganun ang Sagada at Banawe. Leksiyon sa kanila ang nangyari sa City of Pines.