Si Francis ay dumating dakong 10:00 kamakalawa ng gabi lulan ng Northwest Airlines flight NW-071 mula Detroit via Narita, Japan. Very secret at very quiet ang pagdating ni Francis sa NAIA.
Kahit na sinasabing "incognito" ang pag-resbak ni Francis sa Pinas may mga bumubulong sa mga kuwago ng ORA MISMO na masingganan este, mali, masinsinan pala ang naging tsismisan nila ni George.
Tinalakay kaya nila George at Francis ang naging desisyon ni Prez Gloria ang "total pull-out" ng RP humanitarian contingent sa Iraq? Naasar kasi ang US of A sa naging kontrobersyal na desisyon ni Prez GMA. Sabi nga, parang others daw ang Pinas sa pakikipagbarkadahan sa grupo ni George!
Sa pagresbak ni Francis sa Pinas, tiyak makikipag-ututan dila ito kay Prez GMA para iparating ang mensaheng gusto ni George para sa bansa. Sumama ang loob ni George at mga alipores nito sa Pinas sa pagpapauwi ng mga sundalo at pulis mula sa Iraq para iligtas ang Pinoy truck driver na si Angelo dela Cruz.
Kambiyo isyu, ipinatupad na muli ng pamunuan ng MIAA ang todo higpit na pagrikisa sa lahat ng passengers papuntang US of A. Ito kasi ang gusto ng Transportation Security Agency (TSA) at ng US Homeland Security dahil sa panibagong banta ng muling pag-atake ng mga terorista.
Base sa intel report ng US of A intelligence agencies, hindi raw mapalagay ang US dahil sa mga tsismis na may mga nakalunggang terrorist camp sa Pinas na kasalukuyang nagsasanay bilang paghahanda sa planong pagsalakay ng mga kamote.
Ang kautusan, sabi ni Gen. Angel Atutubo, MIAA assistant general manager for security and emergency services, ay nakapaloob ang thorough/rigid screening sa lahat ng US bound passengers kabilang na ang muling pagtatanggal ng sapatos at sinturon ng mga pasahero.
Dati nang ipinatutupad ng MIAA ang ganitong security measure pero tinarayan sila ni Prez GMA na itigil na ang pagpapatanggal sa mga pasahero ng kanilang sapatos, sinturon at anumang metal objects dahil masyado na umano itong nakaaabala at nagiging sanhi pa sa pagka-delay ng mga flights.
Ngunit binigyang-linaw ni Atutubo na hindi sinusuway ng MIAA ang kautusang ito ng Hepe ng Ehekutibo, ang ganitong passener screening ay "case-to-case basis" lamang na ipinatutupad.
"Magtataray si Prez Gloria oras na malaman nito ang pagpapatanggal ng sapatos sa mga passengers bound for US of A," sabi ng kuwagong SPO-10 sa Crame.
"Hindi lang naman sa NAIA naghihigpit kundi sa halos lahat ng paliparan sa buong mundo," natatawang sabi ng kuwagong Kotong cop.