EDITORYAL - Bantayan ang mga tusong negosyante

IKALAWANG pagtataas na ng petroleum products mula nang maupo sa puwesto si President Gloria Macapagal-Arroyo. Nagtaas muli ng 50 sentimos bawat litro ng gasoline ang Pilipinas Shell, Caltex Philippines at ang Seaoil Petroleum Inc. At maaaring magtaas pang muli sa susunod na buwan. Ang panibagong pagtataas ay bunga umano ng pagkalugi ng isang malaking Russian oil company at ang nagaganap na strike ng mga manggagawa sa South Korean oil refinery. Inamin naman ng Malacañang na wala silang magagawa sa sunud-sunod na pagtataas ng petroleum products. Maraming beses na itong sinabi ng Malacañang.

Ang ganitong katwiran ay mahirap tanggapin lalo pa ng mga maliliit at mahihirap na mamamayan. Ang isasaisip nang naghihirap na mamamayan ay para ke pa at naglagay ng pinuno sa bansang ito kung hindi naman pala kayang kontrolin ang walang patlang na pagtataas. Para ano pa at nasa puwesto sila kung hahayaan na lamang na sumagasa nang sumagasa ang mga higanteng kompanya ng langis na ang apektado ay ang mahihirap. Sa sunud-sunod na pagtataas ng petroleum products na kinabibilangan ng gasoline, diesel at liquefied petroleum gas (LPG) hindi na halos makahinga ang maliliit na mamamayan sa paghihigpit ng sinturon.

Wala raw magagawa sa pagtataas nang petro-leum products pero nakapagtataka rin naman na walang magawa ang pamahalaan para mabantayan ang mga tusong negosyante. Nang magtaas ng presyo ang tatlong higante, kasama ring tumaas ang mga pangunahing bilihin gaya ng asukal, mantika, karne at isda. At hindi naman namomonitor ng Department of Trade and Industry (DTI) ang nangyayaring ito. Marami na ang nahihirapan sa paghihigpit ng sinturon at marami na rin naman ang sumusulak sa galit sapagkat wala nang mabili ang karampot na kinikita.

Kung walang magagawa sa tatlong higanteng kompanya ng langis, gumawa naman ng paraan ang gobyerno laban sa mga tusong negosyante. Magtalaga ang DTI ng mga tauhan na lihim na magbabantay sa mga pamilihan para madakma ang mga tusong negosyante na sobra-sobra kung magpatong ng presyo sa kanilang paninda. Malalakas ang loob ng mga tusong negosyante sapagkat nalalaman nilang ningas-kugon naman ang mga taga-DTI sa pagmo-monitor ng mga bilihin. Magsagawa ng kampanya laban sa mga ganid at tusong negosyante.

Show comments