Lalong dumadami at lumalawak ang membership ng pondo sa katunayan mula sa kabuuang miyembro na 4.8 milyon sa huling bahagi ng taong 2000 ay nadagdagan ng humigit kumulang 700,000 sa loob ng tatlong taon. Ngayon may 5.5 milyon na ang miyembro ng Pag-IBIG Fund. Ibig sabihin nito ay mas madami na ngayon ang maaaring makinabang sa mga programa at benepisyo ng Pag-IBIG Fund. Mas maraming pamilya ang maaaring magkabahay sa pamamagitan ng Pondo.
Mula Enero hanggang Abril ng taong ito ay tumaas ng 124% ang halaga ng kabuuang pautang para sa pabahay. Tinatayang sa pagsasara ng 2004 ay may P17.7 bilyon ang maipapautang sa pabahay kumpara sa P12.2 bilyon noong nakaraang taon.
Tumaas din ng 138% ang dami ng mga bahay na naipatayo sa pamamagitan ng pautang ng Pag-IBIG, sa unang apat na buwan ng 2004 ay 20,565 ang bahay na naitayo kumpara sa 3,645 lamang noong 2003.
Sa ilalim ng administrasyong Arroyo ay lalong lumaki at lumakas ang pondo para sa mga miyembro nito. Ang net worth ng Pondo sa pagsasara ng 2003 ay tinatayang P114.9 bilyon, ito ay tumaas ng 34% mula noong 2000 at ang assets nito ay lumago naman sa P148.4 bilyon mula sa P113.8 bilyon.
Makakaasa po kayo na ang lahat ng mga reporma at magagandang programa ay patuloy na ipapatupad upang lalong mapalago at mapangalagaan ang pondo para sa kapakanan at benepisyo ng mga miyembro.