San Ignacio de Loyola

BUKAS ay kapistahan ni San Ignacio. Siya ang nagtatag ng Kapisanan ni Jesus (Society of Jesus) noong 1541. Ang mga kaanib ng samahang ito ay kilala sa tawag na mga "Heswita o "Jesuits."

Si San Ignacio ay ipinanganak noong 1491. Noong una, siya ay namuhay bilang isang sundalo. Ipinaglaban niya ang hari.Gustung-gusto niyang magpakitang-gilas sa mga kababaihan. Noong 1521, ipinagtanggol niya ang isang kastilyo sa Pamplona, Spain laban sa mga French. Isang bala ng kanyon ang tumama sa kanyang binti. Sa dakong huli, siya at ang kanyang mga kasamang sundalo ay sumuko sa mga French.

Siya ay dinala sa kanyang bahay sa Loyola, Azpeitia, Spain. Habang siya ay nagpapagaling ng kanyang sugat sa binti, humingi siya ng mga librong babasahin. Walang maibigay sa kanya. Sa halip, aklat ng Buhay ng mga Santo at Buhay ni Jesus ang kanyang mga nabasa. Samantalang binabasa niya ang mga naturang libro, nagkaroon siya ng pagbabagong-loob. Mula sa pagiging isang sundalo ng hari, siya ay naging sundalo ni Jesus.

Ang mga Heswita ngayon ay nasa iba’t ibang dako ng mundo. Sila ay nasa Europe, Africa, Asia at Oceania. Nasa Pilipinas din sila.

Ang mga Heswita ay naparito sa Pilipinas noong 1591. Ang mga misyonero noon ay mga Kastila. At noong 1921, mga Amerikanong Heswita ang humalili sa mga Kastilang Heswita. Sa kasalukuyan, ang mga Heswita ay kilala sa kanilang apostolado sa edukasyon. Nandiyan ang Ateneo de Manila University, Ateneo de Naga, Ateneo de Davao, Xavier School sa Greenhills, San Juan, Xavier University sa Cagayan de Oro at Ateneo de Zamboanga.

Ang pinakakilalang alumnus ng paaralan ng mga Heswita ay si Dr. Jose P. Rizal, ang ating pambansang bayani. Isang kilalang iskolar ay si Fr. Horacio de la Costa. Siya ang kauna-unahang Pilipinong Provincial ng Philippine Province.

Ang isa pang mahalagang gawain na aming itinataguyod ay ang pagbibigay ng mga retreats. May mga retreat houses kami sa Novaliches, Angono, Cebu at Malaybalay. Pinangangasiwaan din namin ang lugar ng mga maysakit na ketong sa Culion, Palawan. May mga parokya kaming pinangangasiwaan sa Bukidnon, sa Cebu at dito sa Kamaynilaan.

Ilang mga Heswita ang sumusulat ng mga kolum sa iba’t ibang pahayagan. Si Fr. James Reuter ay sumusulat tuwing Sabado sa Philippine Star. Si Fr. Miguel Bernad ay mayroon ding kolum sa Philippine STAR. Si Fr. Joaquin Bernas ay sa Today. At ako ay sumusulat sa Pilipino Star NGAYON mula pa noong 1986.

Show comments