Nabuksan tuloy ang paksa na ang anak nga pala ni Luis na si Melissa Mercado ay naghain ng parricide case laban sa kanyang asawang si Roby Martel, anak ni Antonio Martel na may-ari ng Harrison Plaza Mall. Diumano ay binaril ni Roby ang kanyang asawang si Melissa nang malapitan sa kanilang condominium unit sa Ritz Tower. Ayon sa mga salaysay, nakaligtas lamang si Melissa sapagkat nakalabas ito ng kanilang condo sa tulong ng bunsong anak at ng isa sa mga bodyguard na nagsugod sa kanya sa Makati Medical Center.
Nagulat ako na marami sa mga nasa umpukan ang alam na alam ang punut dulo ng kasong ito ng mga Martel lalo na ang dalawang madaldal na abogado na nasa grupo sanhi sa koneksyon ng mga ito marahil sa Department of Justice. May mga nakatanda na sinubaybayan ito ng taumbayan nang lumabas ito na parang bomba bilang pangunahing balita sa mga pahayagan, radyo at telebisyon.
Akalain mo, hindi rin lingid sa kaalaman ng mga nasa umpukan na kontrobersyal pa rin ang kasong ito dahil sa diumanong nababalitang paggamit ng mga Martel ng impluwensiya upang maayos ang naturang kasong kriminal laban sa isang miyembro ng isa sa mga pinagpipitaganan at kilalang angkan sa Pilipinas nang unang sumikat noong panahon ng mga Marcoses. Ayon na rin sa dalawang abogado sa grupo, nagpahayag daw si DOJ Acting Secretary Merceditas Gutierrez na hindi sila maiimpluwensiyahan ninuman. Sisiguruhin daw nilang ang kanilang tanging batayan sa nasabing kaso ay ang katotohanan at kung ano ang makatarungan.
Hindi na magkamayaw ang mga ususero at ususera na nasa umpukan nang mag-unahan nang magbigay ng kani-kanilang interpretasyon. May nagsasabi na walang mangyayari sa kasong nasabi sapagkat malakas ang mga Martel. May mga nagpahiwatig naman na ayon sa mga balita, galit na galit diumano ang mga Mercado sa sinapit ng kanilang mahal na si Melissa. Nang dahil dito, ako mismo ay excited sa kung saan hahantong ang dramang ito ng Martel versus Martel. Abangan ang mga susunod na kabanata!