Tatlo ang obvious na solusyon: tipid-gastos sa gobyerno, husay sa pagkolekta ng taripa, at dagdag na buwis. Sa tipid-gastos, pabor ang mga negosyante, lalo na kung alisin ang P40-bilyong pork barrel ng Kongreso. Pero ayaw ito ng mga manggagawa, dahil miski kumukupit ng 20-40% ng pork barrel ang mga senador at kongresista, sa gamot, libro at kalsada naman napupunta ang natitira.
Sa dagdag-buwis, ayaw din ng negosyante. Lalo lang daw sila lulubog sa gastusin kung tataas ang buwis sa gasolina, income at VAT. Ayaw din ng manggagawa sa dagdag-buwis, dahil baka ipasa lang daw ng negosyante sa consumers ang gastos. Miski ba mga kotse lang ang nag-gagasolina at hindi pampublikong sasakyan, at may kaya lang ang tatamaan ng pagtaas ng income tax at VAT, wala raw garantiya na hindi sa maliliit babawiin ng malalaki ang binayarang buwis.
Gusto nila, husayan lang ang pagkolekta ng taripa. Pero sa estimate ng gobyerno, miski pinaka-mahusay na ang kilos ng Customs o BIR, P110 bilyon lang ang madadagdag sa kabang-bayan. Kulang pa rin para punuan ang P200-bilyong taunang deficit. At naroon pa rin ang P5.3-trilyong pangkalahatang utang na ng gobyerno.
Dapat sana lahat ay magsakripisyo, lalo na ang may kaya. Ika nga ni Kennedy, ask what you can do for your country.