Pero ngayon ay matindi na ang pagbabawal sa paggamit ng cell phone dahil sa pagiging talamak ng campus gambling. Ang pagbabawal ngayon sa paggamit ng cell phone ay naging mahigpit sapagkat mismong ang Department of Justice ang nag-utos at ipinatutupad naman ng DepEd. Sabi ng DOJ, laganap ang high stake gambling. Kapag may cell phone ay madaling makataya ang mga estud- yante. Umanoy hindi lamang pustahan sa basketball ending ang kinalolokohang tayaan ng mga estudyante ngayon kundi pati na rin ang karera ng kabayo. Malaking pera umano ang involved sa tayaan sa campus.
May paniwala kami na nagsimula ang pagbabawal ng cell phone dahil sa barilang nangyari sa pagitan ng anak ni dating Sen. Robert Jaworski at isang high school student. Umanoy sugal ang pinagmulan ng barilan na naganap sa compound ng isang kilalang restaurant sa Greenhills, San Juan. Hundred thousand umano ang sangkot sa nasabing tayaan sa basketball.
Pero masyado naman yata ang paghihigpit sa pagkakataong ito sa paggamit ng cellphone. Paano naman ang ibang estudyante na hindi naman nagsusugal, pati ba sila ay apektado ng ban na ito? Paano kung magkaroon ng emergency na tawag?
Ang dapat gawin ng DepEd ay magkaroon ng masusing surveillance katulong ang pulisya para masakote ang mga sindikato o financier ng campus gambling. Sila ang dapat durugin at hindi ang mga gumagamit ng cell phone. Biktima lamang ang mga estudyanteng tumataya.
Mahalaga ang cell phone. Tama lang na i-ban ang paggamit nito sa panahon ng class hours at baka gamitin sa pandaraya pero ang ipagbawal dahil lamang sa lumalaganap na campus gambling ay hindi naman nararapat. Pag-isipang mabuti ito ng DepEd.