Pero may bumibili pa rin. Sa tantiya ng awtoridad, miski nagmahal ang shabu, pareho pa rin ang kinikita ng drug lords. Kailangan ng tulong ng gobyerno sa demand side-sa mabilisang pag-rehabilitate sa addicts.
Tinatayang may 1.5 hanggang 3.5 milyon adik sa shabu. Kaso, pito lang ang drug rehab centers ng gobyerno, at pitong dosena ang pribadong clinics. Ang kaya lang nilang tanggaping adik ay tig-100 o 200 kada anim na bu-wang treatment program. Ani Fr. Carmelo Diola, seminary teacher sa Cebu, 0.5% lang ang mga adik na nasa rehab ngayon. Kung ire-rehab pa ang natitira-para maiwaksi sa pagkalulong sa synthetic na shabu-aabutin nang 300 taon.
Mahal magpa-rehab. Libre sa government centers, pero kailangan pa rin ng P5,000 kada buwan para mabuhay nang matiwasay. Kung ang suweldo ng magulang ay P15,000 kada buwan, wala nang matitira para sa ibang anak. Sa private clinics, P30,000 kada buwan ang rehab.
Napatunayan sa maraming bahagi ng mundo na pinaka-epektibo ang rehab na di lang physiological kundi spiritual din ang approach. Ginagamot ang pagkalulong ng adik sa droga, pero binabalik din siya sa matuwid na landas patungo sa Diyos. Kasi nga naman, kaya naa-adik ang isang tao ay dahil nalalayo siya sa Diyos, sabay ng pagkawala ng respeto sa sarili at pagmamahal sa kapwa. Kung maibabalik siya sa Diyos, buo ang rehab at hindi na siya liliko sa masamang bisyo.
Sa gayon, may pakulo si Fr. Carmelo. Hinihikayat niya lahat ng parokya na magtayo ng drug counselling center para maasikaso agad lahat ng adik. Pabor si Cardinal Ricardo Vidal sa malaking pakulo.