Isa po akong OFW dito sa Riyadh, Saudi Arabia. Naging interesado po ako sa programa ng Pag-IBIG para sa mga katulad naming OFW. Ang Pag-IBIG po ba ay para lamang sa mga OFWs na gustong mag-avail ng housing loan? Ano po ba ang magandang benepisyo ng pagiging miyembro ng Pag-IBIG Fund? Anu-ano po ba ang aking kailangan para maging miyembro ng Pag-IBIG? MARIO SANTOS
Sa mga interesado nating mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa, maaari kayong maging miyembro ng Pag-IBIG Overseas Program (POP) ng Pag-IBIG Fund sa pamamagitan ng pag-fill-up ng Members Data Form at pagbabayad ng buwanang kontribusyon.
Ang halaga ng buwanang kontribusyon ay batay sa kabuuang halaga ng buwanang sahod:
US$ 1000 at mas mababa US$20.00
Mahigit US$1000 hanggang US$2000 US$40.00
Mahigit US$2000 US$50.00
Maaaring mag-deposit o mag-remit ng dolyar o piso batay sa kasalukuyang exchange rate.
Ang pagbabayad ng buwanang kontribusyon ay pag-iimpok para na rin sa kinabukasan ng pamilya. Ito ay ginagarantiyahan ng pamahalaan, at walang buwis na ipinapatong dito. Tumatanggap ito ng 7.5% interest rate pag piso ang kontribusyon at 3% naman pag dolyar ang ibinabayad.