Totoo ba ang balitang itutuloy ang pag pull-out ng army contingent sa Agosto 20? Kung hindi nabihag si Angelo, i-pu-pull out ba ng Pinas ang contingent natin sa Iraq? Napanood, nabasa at ginimbal tayo sa mga sinapit ng ibang mga dayuhan na pinugutan ng ulo ng mga militanteng Iraqis dahil hindi sumunod sa mga demands ng grupo.
Si Angelo ay pumunta sa Iraq, nagsapalaran magtrabaho kahit na may gera. Kahit na malayo sa pamilya niya. Sa kanyang asawa at walong anak. Kasalanan ba ni Angelo ito? Hindi bat sa Saudi Arabia siya nagmamaneho ng truck? Bakit napadpad siya sa Iraq. Dahil triple ang bayad sa driver na payag magmaneho sa loob ng Iraq. Masisi mo ba ang taong ito. Ang libo-libo pa nating mga kababayan na nakipagsasapalaran sa Gitnang Silangan. Nakikipaglaro sa panganib o sa kamatayan, mabigyan lamang ang kanilang pamilya ng ikabubuhay. This is the sad plight of a lot of our countrymen. Nakita ko rin (kayo din sigurado ko) kung paano nagsusumigaw ang ilan natin mga kababayan na palipad na papuntang Iraq, "Hindi baling mabomba kami, mamatay kami sa Iraq, makapagtrabaho lamang para mabuhay namin ang aming pamilya, kaysa mamatay kami ng dilat sa gutom dahil walang trabaho sa Pilipinas."
Kasalanan ba ng ating Pamahalaan na walang trabaho sa ating bayan? Kasalanan ba ng Pamahalaan na dahil sa kaliwat kanan ng kidnapping, political instability, breakdown sa peace and order, gera sa Mindanao, kaya ang mga investors o mga naka-invest na rin dito ay umaalis at lumalayo para sa ibang bansa na lamang magnegosyo? Hindi ba ang Pamahalaan ang dapat tumugon sa mga problemang ito? Itong darating na 6 na taon pang termino ni PGMA, magdasal tayo na matugunan ang mga problemang ito.
Kasalanan din ba ng Pamahalaan na laganap ang Graft and Corruption sa gobierno kung saan Bilyong piso ang nawawala sa kaban ng bayan, mula sa pera ni Juan? Hindi bat sila na rin ang nagtalaga ng mga taong nasa "key positions" na dapat ay siniguro ang integridad, honesty at may prinsipyo ng mga ito.
Hindi ka nag-iisa Angelo Dela Cruz! Marami na ang katulad mo. Marami na ang nauna pa sa iyo na dahil sa kahirapan kumapit sa patalim. Marami pang mga Angelo Dela Cruz ang nandun pa sa Gitnang Silangan na maaring sapitin ang ganitong trahedya, hindi sa kamay ng mga militanteng Iraqis, kundi sa kamay ng mga mapang-abusong banyaga.
Magbalik tanaw nga tayo. Bakit ba tayo nagpadala ng 51 troops sa Iraq? Hindi ito ay para i-patronize si Frendster George W. Bush para suportahan ang ating bansa. (Tayo ba o ang administrasyon ni PGMA?) Naalala nyo pa ba ang mabilis na tugon ni PGMA na hindi pa nga humihingi ng tulong ang allied forces, isa na siya sa mga nagsabi sa World wide channel ng CNN na ang Pinas daw ay handang magkaisa at magpadala ng mga Pinoy sa Iraq. Ang tapang na lider ni PGMA. A tapang na tao, muntik a pugot ang ulo ni Angelo!
Ano kaya ang reaksyon ni PGMA ngayon na ang mismong Senado ng America ang nagsabi na nagkamali sila at naniwala sa Intelligence Report tungkol sa mga Weapons of Mass Destruction. Napanood ko rin sa CNN kung saan nagsalita sa Senado si Senator John Rockefeller, sa isang bipartisan report mula sa Committee na nag-iimbistiga sa gera sa Iraq, inamin na nagpadala sila sa mga over-acting na reports tungkol sa mga Weapons of Mass Destruction na meron ang Iraq. Wala. Wala naman talaga. Hindi bat naisulat ko na nuon ng ilang beses na wala talagang mga WMDs sa Iraq. Ang meron ay isang GANID at praning na Presidente ang America. Ganid, dahil langis ang gusto sa Iraq. Praning, dahil gustong magantihan si Saddam Hussein dahil nung presidente ang tatay niya, nagkaroon daw ng planong ipa-assassinate ito ni Saddam. Pinasok natin, GERA NG KANO!
PARA SA ANUMANG REAKSYON O COMMENTS, MAAARI KAYONG MAG-TEXT SA 09179904918. MAARI DIN KAYONG TUMAWAG SA 7788442.