Malaki nga ang ipinagkaiba ni Reyes kay Lina. Mabilis ang aksiyon ni Reyes pero hindi sa pagpuksa sa jueteng kundi sa pag-legalize. Naisip namin na ang kanyang prinsipyo ay walang ipinagkaiba sa kasabihang kung hindi kayang suntukin ang kalaban e di yakapin na lang. Ganyan humigit-kumulang ang kanyang paniniwala.
Praktikal na tao si Reyes pero sanay gumawa muna siya ng hakbang para maigupo ang jueteng at kung hindi talaga kaya, saka niya isulong ang kanyang pamamaraan. Unang sabak pa lamang niya sa DILG ay ang pag-legalize na agad ang kanyang unang naisip na paraan. Ang illegal ay gagawing legal. Ganoon ba talaga yon? E kung ganito ang magiging prinsipyo ng mga ilalagay na Cabinet member ni President Arroyo, hindi malayong ang prostitution at ang paggawa at pagtutulak ng shabu ay gawin na ring legal.
Mawawala raw ang corruption kapag naging legal ang jueteng, ayon kay Reyes. Gaano naman siya naging kasigurado na mawawala nga. Kapag naging legal, hindi kaya may mga grupo naman na gawin din itong patago katulad ng pagkakaroon ng mga illegal bookies. E di talo rin ang gobyerno. Hindi bat ang mga legal na karera ng kabayo at ang jai alai noon ay marami rin ang nakalulusot sapagkat may mga illegal bookies. Ganito rin ang mangyayari sa jueteng kung matutupad ang sinabi ni Reyes na gawin itong legal.
Mas mainam pa kung ang pagpursigihan ni Reyes ay hulihin ang mga jueteng lord at basagin ang mga galamay para matupad naman ang pinangako ni Mrs. Arroyo. Kung patuloy ang jueteng patuloy din ang paghihirap ng mga dahop sapagkat ang ibibili nila ng pagkain ay itataya pa sa jueteng. Patuloy na mangangarap sa kapiranggot na taya. Wala na ngang pag-asang mawala ang jueteng sa lipunang ito na ang umiikot at pawang naiisip ay kung paano kikita sa sugal. Anak ng jueteng!