Nagkahiwalay ang dalawa nang lumuwas si David ng Maynila upang mag-aral subalit hindi nagtagal ay nagkitang muli ang dalawa nang sumunod si Brenda upang mag-aral din. Kaya, pinangakuan ni David si Brenda na pakasalan ito. Ipinilit niyang ang kasal ni Brenda ay hindi balido dahil pinsan ang napangasawa. Naniniwala si Brenda kay David at sila ay ikinasal sa huwes sa Maynila.
Nagsama agad sina David at Brenda. Apat na taong nag-aral si David ng abogasya sa tulong ng kanyang magulang at ni Brenda. Subalit nang makatapos si David at maging ganap na abogado, bigla nitong iniwan si Brenda na buntis na. Hindi na muling nagpakita si David hanggang makapanganak si Brenda.
Hindi nagtagal ay natuklasan ni Brenda na muling ikinasal si David sa isang babae sa probinsiya. Kaya, nagsampa siya ng reklamong administratibo na gross immoral conduct laban kay David. Subalit naging depensa ni David ang paniniwala niyang walang bisa ang kasal nila ni Brenda sa simula pa kaya hindi na niya kailangan pang maghain sa Korte na ipawalang-bisa ito bago siya muling nagpakasal. Tama ba si David?
MALI. Bilang isang abogado, alam dapat ni David na para matukoy kung legal ba ang isang taong nais magpakasal sa ikalawang pagkakataon, kinakailangan munang magkaroon ng deklarasyon ang Korte na walang bisa ang unang kasal nito. At dahil hindi ito ginawa ni David nang muli itong magpakasal, siya ay binawian ng lisensiya bilang abogado. Ito ang naging desisyon sa Terre vs. Terre, 211 SCRA 6.