Limang dayuhan na ang napupugutan ng mga militanteng kabilang sa Khaled bin al-Waleed Corps. At pawang mga sibilyan ang napupugutan. Ang pinakahuli nilang pinugutan ay isang Korean engineer. Kinidnap ang Koreano at pagkalipas din ng tatlong araw ay pinugutan. Hiniling din ng mga kidnappers na alisin ang Korean troops doon. Nagmatigas ang Korea kaya itinuloy ang pagpugot. Bago ang Koreano, may dalawa pang Amerikano ang pinugutan noong nakaraang buwan. Noong nakaraang linggo isang Amerikanong sundalo ang kanilang binihag at binantaan ding pupugutan.
May apat na libong Pinoy ang nasa Iraq at pawang sa mga kampo ng coalition forces nagsisipagtrabaho. Karamihan sa kanila ay mga drivers, electricians, tubero, at iba pa. Nasa panganib ang kanilang buhay lalo na kapag sumasalakay ang mga suicide bombers. May pagkakataong bumabagsak na lamang sa barracks ng mga Pinoy ang mga rockets. Ang kanilang kanang paa ay nasa hukay.
Ang binihag na si De la Cruz ay isang driver na naka-base sa Saudi Arabia. Tumawid siya sa Iraq, at pagsapit sa bayan ng Fallujah, doon siya hinarang ng mga militante. Hindi naman binanggit kung may iba pang kasama si De la Cruz nang siya ay harangin.
Kailan kikilos ang pamahalaan? Kapag napugutan na si De la Cruz? Habang may panahon pa dapat ay kumilos na ang pamahalaan, alisin na ang tropa roon at maingat na bantayan ang mga OFWs na nagsisipagtrabaho roon. Itigil din naman muna ang deployment ng mga OFWs sa Iraq. Kapag matiwasay na saka lamang ipagpatuloy ito. Buhay ng isang Pinoy ang nakasalalay sa pagkakataong ito. Kaya hindi dapat magpatumpik-tumpik.