Sa isang text message, nais lang umano ng estudyante ng AMA General Santos City branch na sa pamamagitan ng aking column ay maipahatid ang kanilang reklamo sa AMA Head office sa Quezon City.
Kahapon, isang tawag ang natanggap ko mula kay Johnny Ramos, Public Relations officer ng AMA Computer College Head Office.
Ayon kay Ramos agad nilang tinugunan ang reklamo ng mga estudyante ng nasabing computer school kung saan isinailalim na nila sa "preventive suspension" ang School Director ng AMA General Santos City branch na si Arnold Christopher Alcaraz.
Sinabi pa ni Ramos nuong nakaraang linggo pa sila nakatanggap ng report mula sa mga kasamahan ni Alcaraz tungkol sa paggamit umano nito ng drugs hanggang sa naisulat na sa aking column kahapon ang reklamo ng mismong mga estudyante ng nasabing computer school.
Binigyan na raw nila ng 48 na oras si Alcaraz upang magpadala ng kanyang Letter of Explanation tungkol sa alegasyon sa kanya. Suspendido si Alcaraz hanggat hindi natatapos ang imbestigasyon tungkol sa reklamo sa kanya kung saan maaari siyang bumalik sa AMA bilang School Director o maaari naman siyang i-terminate sakaling mapatunayang totoo ang mga alegasyon sa kanya. Pansamantala naman siyang pinalitan ni Rene Lumibao, Officer-in-charge ng AMA General Santos City branch.
Nasa kamay na ng AMA Head Office ang pag-iimbes-tiga at pagdedesisyon tungkol sa mga reklamo ng mga estudyante. Hangad lang ng column na ito na mapakinggan ang bawat reklamot hinaing ng sinuman na lumalapit sa amin lalo na kung ang mga estudyante ang mismong nagrereklamo tulad ng inirereklamong school director ng AMA General Santos City branch.