Ayon sa mga nakausap kong taga-Mandaluyong, direkta sa bulsa ng mga Abalos ang kinikita ni Jun Lim sa mga illegal diyan sa siyudad. Ewan lang nila kung nai-download na nga ito kay Gonzales. Abot langit na ang mga reklamo laban kay Jun Lim at Boy Tuso este Boy Muso, pero hindi umuunlad dahil sa nakasandal sila sa pader. Karamihan sa reklamong natanggap natin ay ang pagbato ng anti-vice unit ng mga paninda ng mga illegal vendors sa gitna ng kalsada at pagtapak-tapakan. Kasalanan ba ang maging mahirap? Kung tutuusin, pati opisina ni Gonzales ay dapat sisihin kung walang trabahong legal ang mga residente ng siyudad dahil wala namang maibigay ang local government sa kanila. Kaya dapat, hinay-hinay lang ang grupo ni Jun Lim dahil gusto rin ng mga mahihirap na mabuhay ang kanilang pamilya. Get mo, Jun Lim Sir?
Sa totoo lang, ang isang tao na isinusumpa si Jun Lim at Boy Tuso este Boy Muso sa ngayon ay ang isang alyas Diday, na dati ay may negosyong bookies ng karera sa siyudad. Tumiklop ng negosyo itong si Diday dahil sa reklamong pinipersonal siya ni Jun Lim. At para makaganti nga kay Jun Lim, aba tumaya sa mga Domingo itong si Diday ng nakaraang Mayo 10 general elections. Pero sa kasamaang-palad, nagkamali ng taya itong si Diday kaya napilitan siyang magsara ng mga puwesto dahil hinahabol siya ni Jun Lim nga. Ngayon, ang suspetsa ni Jun Lim ay itong si Diday at isa pang-bookies operator na si Boy A. ang nasa likod ng sunud-sunod nating pagbulgar ng kanyang illegal na aktibidades sa Mandaluyong. Pilit niyang inaabot ang lokasyon ng negosyo ng dalawa para makabawi, he-he-he! Kawawang Diday at Boy A. Abot-langit ang galit sa kanila ni Jun Lim. Hanggang kailan kaya sila makaiwas sa ngitngit ni Jun Lim at Boy Tuso este Boy Muso at sa grupo nilang umaaktong pulis? May karugtong.