Ayon sa aking bubuwit, happy birthday muna kay Vice-President Noli de Castro, dating Press Usec. Ching Suva, dating Justice Usec. Joe Calida, Goody Canlas, Orlando Marquez at Vice-Mayor Juliet Ngo-Fiel ng Looc, Romblon.
Ayon sa aking bubuwit, itong si Sec. Subi ay binansagan ng ganitong pangalan dahil kinupit ang ilang milyong piso mula sa nakolekta nitong campaign funds noong nakalipas na eleksyon.
Siya kasi ang isa sa mga naatasan upang lumikom ng pondo para sa mga kandidado ng administrasyon.
Siyempre, nagpakitang-gilas naman si Sir.
Inatasan naman ngayon ang kanyang mga tauhan na mag-fund-raising.
Ang mga tinokahan naman niya rito ay ang mga regional directors, district engineers at iba pang opisyal sa kanyang departamento.
At siyempre, kabilang na rin sa mga pondo de kampanya ay ang mga malalaking contractors.
Ayon sa aking bubuwit, si Mr. Secretary ay nakalikom ng limpak-limpak na P800 million.
Kaya lang, ang naturang halaga ay hindi lahat inintrega para sa campaign funds.
Si Secretary at ang isa pang opisyal sa kanyang departamento ay nangupit mula sa nalikom na pondo.
Sabi pala ng dalawa, kailangan ay meron namang kapalit yung kanilang pagod sa fund-raising.
Kaya ang ginawa mula doon sa nalikom na pondong P800 million, binawasan ng P200 million.
Hinati yung P200 million kaya lang ay hindi hating-kapatid. Mas malaki siyempre ang napunta kay Secretary.
Wow, hanep namang kupitan ’yan, ang laki-laki.
Sabagay, kailangan ni Mr. Secretary ’yan dahil sangkaterba ang mga kasong graft and corruption sa kanya na naka-pending sa Tanodbayan at sa Sandiganbayan.
Kasama na rito ang multi-billion peso na lahar scam.
Naku, mas malaki ang kinita niya sa katas ng lahar.
Kaya naman pala isa siya sa mga kandidato na masibak sa Gabinete ni Pangulong GMA.
Dapat lang naman kasi, Madam President. Yung mga opisyal po na isinusuka na dahil sa pagnanakaw sa pondo ng gobyerno ay sibakin n’yo na.
Makakasama lamang ito sa imahe ng inyong administrasyon.
Ang opisyal na binansagang Sec. Subi dahil sa nangupit ng P120-million sa nakolektang campaign funds ay si… Secretary S. as in Subi.