Paborito siya ni Mrs. Arroyo sapagkat ngayoy inilagay muli bilang miyembro ng Gabinete. Siya na ang bagong Interior and Local Government Secretary kapalit ni Jose Lina. Nagresign si Lina para raw mag-concentrate sa kanyang pamilya.
Isa sa mga problemang aariba muli ngayon pagkaraang maalis si Reyes sa NAKTF ay ang kidnapping. Tiyak na hahagalpak na naman sa tawa ang mga kidnappers sapagkat wala na si Reyes. Tiyak na kinakabahan na naman ang mga negosyanteng Tsinoy ngayon sapagkat tatargetin na naman sila ng mga kidnap for ransom group. Isang malaking problema ang iluluwal sa pagkakalipat ni Reyes sa DILG. At gaano naman makatitiyak si Mrs. Arroyo na ang kanyang ipapalit sa NAKTF ay katulad din ni Reyes? Gaano siya makasisiguro na ang ipapalit ay may kasanayan sa pagdakma sa mga kidnappers?
Ganito naman ang nagiging kalakaran sa bansang ito lalo na sa paglalagay ng pinuno ng isang departamento. Kapag maganda ang performance ng pinuno ay ililipat sa ibang departamento. Hindi dapat ganito ang mangyari. Sa kaso ni Reyes, maganda ang ipinakita niya bilang NAKTF chief. Kung kailan siya nakadadakma ng mga salot na kidnappers ay saka naman siya ililipat. Bakit hindi ipatapos kay Reyes ang mga nasimulan sa NAKTF? Marami pa siyang dapat gampanan sa nasabing tanggapan. Baka naman ibig sabihin ni Mrs. Arroyo ay parehong hahawakan ni Reyes ang DILG at NAKTF. Hindi uubra ang ganito.
Isa ring malaking katanungan ay kung bakit si Reyes na isang dating military man ang ipinuwestong DILG chief. Bakit hindi isang sibilyan? Nagkaroon kaagad ng puna kay Reyes nang tahasan nitong sabihin na pabor sa kanya kung gawing legal na ang jueteng. Ang pagiging illegal daw ng jueteng ang pinagmumulan ng corruption. Kung magiging legal daw ito, mawawala na ang corruption.
Lubhang kakaiba ang pananaw ni Reyes sa jueteng. Malinaw na iniindorso pa kaysa sa supilin.