Mahigit 12 milyon boto ang nakuha ni GMA. Halos 1.2 milyon ang lamang kay Fernando Poe Jr. Pero malaki rin ang boto ni FPJ: 11 milyon. Kumbaga, mahigpit ang laban at halos hati ang bansa. Kung nais ni GMA na magkaisa, makakabuti kung ipatupad din niya ang plataporma ni FPJ: Ibalik ang tiwala ng mamamayan sa gobyerno. Kailangan niya ito kung magpapataw siya ng bagong buwis at hihingi ng sama-samang sakripisyo para isakatuparan ang anim na campaign promises.
Babalik ang tiwala sa gobyerno kung magiging malinis at mabisa ito. Kulang ang lifestyle checks sa ilang middle-level bureaucrats. Dapat baguhin ang sistema sa paggastos para hindi makapambulsa ang tiwali. Alisin na ang pork barrel: P200 milyon kada senador at P65 milyon kada congressman bawat taon. Kinukumisyonan lang nila ito. Higpitan din ang local officials. Sa kanila nagsisimula ang paglaganap ng jueteng at droga. At higpitan na rin ang eleksiyon. Nung Mayo 10 nakita ang pinakamataas na bilihan ng boto: P500-P2,000 kada bungo.
Kulang ang pabisi-bisita sa police stations. Buong pulisya at militar ang linisin. Itanim sa isip ng burokrasya na nandoon sila hindi para maglamiyerda kundi para maglingkod. Ibawal ang bulakbol, sipain ang banban. Ang gobyerno ay parang produkto o serbisyo. Nais ng taxpayer, parang consumer, na makuha ang probetse ng binabayad niyang buwis.