Una niyang ikinabit ang kanyang jeepney sa prankisa ni Aling Lita. Subalit, isang araw ay naaksidente ang isa sa mga jeepney ni Aling Lita. Sa takot na makasama ang kanyang jeepney sa kaso dahil nakapangalan ito sa pamamagitan ng kabit system, agad siyang tumiwalag dito. Sa ikalawang pagkakataon ay ikinabit niya ang kanyang jeepney kay Mang Donato, may-ari ng prangkisa.
Kaya, hiniling niya kay Aling Lita na magsagawa ng isang Deed of Sale. Unang naisalin ang jeepney sa kanyang hipag; mula sa hipag ay kay Mang Donato. Mula noon ay hawak na ni Mang Ambo ang jeepney sa ilalim ng prangkisa ni Mang Donato. Samantala, nagbabayad ang drayber ni Mang Ambo sa kanya ng P16.80 bilang boundary kada araw.
Isang araw, nabundol ng drayber ni Mang Ambo ang isang judge at asawa nito habang tumatawid ng kalsada. Namatay ang judge samantalang ang asawa nito ay nagtamo ng maraming sugat. Kaya, sinampahan ng asawa at mga anak ng judge ang drayber, si Mang Donato, bilang may-ari ng prangkisa kung saan ang jeepney ay nakapangalan dito at si Mang Ambo ang aktwal na may-ari ng jeepney. Itinanggi ni Mang Ambo ang habla dahil hindi naman daw siya ang nakarehistrong may-ari nito. Tama ba si Mang Ambo?
MALI. Siya ay may pananagutan sa nangyaring aksidente. Kahit hindi nakarehistro sa kanyang pangalan ang jeepney, siya pa rin ang aktwal na may-ari nito. Bilang may-ari, kasama niya ang may-ari ng prangkisa sa pagbabayad ng pinsala. Subalit dahil ilegal at ginamit ni Mang Ambo ang prangkisa ni Mang Donato, kinakailangang bayaran niya si Mang Donato ng halagang ibabayad nito sa biktima (Jereos vs. Court of Appeals 117 SCRA 395).