Senador patola

MADALAS natin silang makita. Nakaupo sa restoran sa kanto, kumakain nang libre, nag-aabang ng susunod na biktima. Kapag may mamataang hihina-hinang jeepney driver o aasta-astang probinsiyano, susunggaban at kikikilan. Bundat ang tiyan niya; di bagay sa uniporme. Wala siyang alam kundi mambakal. Kung may nangangailangan ng saklolo laban sa masasamang-loob, hindi siya maaasahan. Ang baril, batuta, tsapa at posas niya, pansindak lang ng maliliit. Lahat tayo, muhi sa pulis-patola.

Meron ding Senador patola. Bundat ang tiyan. Ang una niyang ginawa nang iproklamang panalo nu’ng nakaraang eleksiyon ay humingi ng pahintulot sa Sandiganbayan na pumasyal sa Amerika. Ito’y miski out on bail lang siya sa karumal-dumal na krimeng plunder o pangungulimbat. Kesyo imbitado raw siya sa California na magsalita nu’ng Independence Day ng grupong Fiesta Filipino. Pero wala namang rehistradong gan’ung grupo sa California state department.

At nang umuwi, ang una niyang hinirit ay papayag siya, bilang miyembro ng oposisyon, sa hiling na reconciliation ng administrasyon. Pero sa isang kondisyon: Palayain daw muna dapat ng Malacañang ang ama niyang nakakulong habang binibista rin sa kasong plunder.

Kasama niyang nanalo ang isa ring artista at dating local official na katulad niya. Pero ‘yung katoto niya, na bagito rin sa Senado, ay alam ang limitasyon ng pinag-aralan at karanasan.Pinasya nitong mag-enrol sa Development Academy of the Philippines para mag-crash course hinggil sa trabaho ng Lehislatura. Pero si Senador patola ay iba. Imbis na mag-aral ay naglamiyerda sa America. At pag-uwi ay nagpakita ng kawalan ng kaalaman tungkol sa gobyerno.

Hindi puwedeng magpalaya ang Malacañang ng kahit sinong detainee na binibista. Kasi, sakop na ito sa poder ng Korte, hindi ng executive branch. Iba ang executive sa judiciary sa legislative. Kung may poder ang Malacañang na magpalaya ng detainee, e di kahit sinong may kapit doon ay nilapitan na. E di ni-release na sana lahat ng nasasakdal sa kung anu-anong kaso: Rape, murder, kidnapping, drug trafficking.

Show comments