OFW gustong magmiyembro sa Pag-IBIG

Dear Sec. Mike Defensor,

Ako po ay isang OFW na ngayon ay nakabakasyon sa bansa. Lagi ko pong nababasa sa column n’yo rito sa PSN ang programa ng Pag-IBIG Fund para sa mga katulad kong OFW.

Nais ko pong magpundar ng bahay at lupa habang malakas pa po ang aking kita at iisa pa lamang ang aking anak. Paano po ba ang pag-aaply bilang miyembro ng Pag-IBIG POP? Kapag po ba miyembro na ay puwede na ring mag-housing loan? Hanggang magkano po ang puwedeng i-loan at magkano naman po ang buwanang kontribusyon?

Maraming salamat po at sana po ay mabasa ko ang inyong kasagutan bago ako makaalis hanggang Hulyo. Mabuhay po kayo. –Norman V.


Maraming salamat Norman sa iyong pagsulat. Ang Pag-IBIG Fund ay may natatanging programa para sa mga katulad mong OFWs. Ang Pag-IBIG Overseas Program (POP) ay isang voluntary savings system kung saan nabibigyan ang mga OFW’s ng pagkakataon na makapag-ipon para sa hinaharap at makapag-housing loan. Simple lamang ang kailangan upang ikaw ay maging miyembro ng POP, magtungo ka sa iyong pinakamalapit na Pag-IBIG Office, sagutan ang kanilang member’s data form at bayaran ang paunang kontribusyon.

Kung ikaw ay aktibong miyembro ng POP at nakapagbayad ng 12 buwanang kontribusyon maaari kang mag-apply ng housing loan ngunit may iba pang requirements upang ikaw ay maging eligible sa pag-apply ng housing loan. Ang buwanang kontribusyon ay mula sa US$20.00 (makakautang ka hanggang P1 milyon), US$40.00 (higit P1 milyon hanggang P1.5 milyon) at US$50.00 (higit P1.5 milyon hanggang P2milyon). Kung sakaling mag-aaply ka ng housing loan ay may mga kailangang dokumento at prosesong pagdadaanan. Hinihikayat kitang magtungo sa pinakamalapit na Pag-IBIG Office sa inyong lugar upang makapagregister kang miyembro ng POP at magtanong tungkol sa housing loan.

Show comments