Mahalaga na sa isang demokrasya ay dumadaan tayo sa mga proseso gaya ng nakaraang eleksyon at ang sumunod na canvassing sapagkat bahagi ito ng ating pulitikal na pag-unlad. Ngayon, mas mulat na ang buong bansa sa proseso ng canvassing at ang mahalagang papel ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa proklamasyon ng presidente at bise presidente.
Sa nakaraang eleksyon, muling nagkaroon ng pagkakahati-hati sa bansa at ito marahil ang isa sa mga kritikal na kailangang pagtuunan ng pansin hindi lamang ng administrasyong Arroyo kundi pati tayo bilang mamamayan. Maraming sugat ang nilikha ng nakaraang eleksiyon subalit ang mga pangyayaring pulitikal ay nakalipas na at ang mahalaga ay muli tayong magkaisa.
Sa pagpili ng mga nasyonal at lokal na opisyal na mamumuno sa atin sa susundo na tatlo at anim na taon ay ibinigay natin ang ating tiwala at kaakibat nito ay ang ating suporta sa mga proyekto at programang ipapatupad para sa kabutihan ng lahat.
Tapos na ang eleksiyon, panahon na ng pagkakaisa upang muling umunlad ang ating bansa. Napakaraming kailangang gawin at makabubuting magtulung-tulong ang lahat para sa kabutihan ng ating bansa.