Isa sa mga dapat gawin ng pamahalaan kung paano lubusang madudurog ang mga corrupt ay ang paghikayat sa mamamayan para isuplong ang mga kahina-hinalang estilo ng pamumuhay ng mga empleado o opisyal ng isang departamento. Kapag naibunyag ng mga "whistle blower" ang mga corrupt, proteksiyunan sila. Maging maingat din naman sa pagpiprisinta ng mga corrupt at baka pati ang whistle blower ay maituro kagaya ng nangyari kay Land Bank teller Acsa Ramirez.
Mahihikayat ang mamamayan na isuplong ang mga corrupt kung bibigyan sila ng kaukulang proteksiyon. Mula nang ilunsad ang "lifestyle check" isang taon na ang nakararaan, 80 graft cases na ang naisampa sa hukuman ng Transparency Group. Kaunti pa ito kung tutuusin at kapiranggot lamang ang nabawas sa mga corrupt sa pamahalaan. Mga "bayawak" lamang ang nalambat at hindi mga "buwaya".
Sa librong sinulat ni Nicanor Conti na pinamagatang "To serve with honor: A Primer against corruption" nakasaad sa isang chapter nito kung paano madedetect ang isang corrupt na opisyal ng pamahalaan. Pansinin aniya ang signature watch, ang diamond rings at earrings na suot ng asawa ng opisyal, ang sapatos na tatak Ballly o Ferragamo o ang business suit na Armani o Brioni. Pansinin ang madalas na pag-aabroad. Nag-aaral ba ang mga anak sa mamahaling schools? May rest house ba sa Tagaytay o Los Banos.
Ilan lamang iyan sa nakasaad sa libro ni Conti na makatutulong sa mamamayan para madetect ang mga corrupt at nang kanilang maisuplong. Si Conti ay Presidential Assistant at head ng Transparency Group.
Maganda ang mga tip para madetect ang mga corrupt pero pinakamahusay pa rin na proteksiyunan ang mga whistle blower para marami pa ang magsuplong nang walang takot.