Parang pinatay na manok si Judge Rosales noong hapon ng June 10. Dinadrive nito ang kanyang sasakyan sa Tanauan, Batangas, nang barilin ng isang naka-motorsiklong lalaki. Halatang planado at sanay ang lalaking bumaril kay Judge Rosales. Nang magpabagal ng takbo si Judge dahil sa isang hump, dinikitan ng gunman at tatlong bala ang ibinaon sa katawan ng magaling at matapang na judge ng Tanauan Regional Trial Court. Pagkatapos barilin, mabilis na tumakas ang suspect.
Ang asawa ni Judge Rosales na si Felomina ay agad na nagpahayag ng suspetsa na isang drug dealer ang nasa likod ng pagpatay. Isang drug dealer umano ang naipakulong ng kanyang asawa at ito ang nag-utos sa krimeng iyon. "Judge Bitay" din si Rosales. Katibayan dito ang 14 na drug traffickers na kanyang hinatulan ng kamatayan. Walang kinatatakutan si Rosales maski nga ang mga salot na drug traffickers.
Marami nang napapatay na judges at karamihan pa ay mga gumaganap ng maayos sa kanilang tungkulin. Kung sino ang gumagawa ng mabuti ang pinapatay samantalang ang mga hukom na nababayaran o nasusuhulan ay patuloy na nabubuhay. Panahon na para proteksiyunan ang mga judges.
Bigyan ng kaukulang seguridad ang mga judge na humahawak ng mga mabibigat na kaso katulad ni Rosales. Bigyan ng dalawang eskort o mahigit pa para maipagtanggol. Kung may naka-assigned na bodyguards si Rosales, hindi mangyayari ang pag-ambush sa kanya. Sa dami ng mga kaso laban sa illegal drugs at kidnap for ransom na hinahandle ng isang judge, tiyak na nakaharap siya sa panganib. Ang isang paa niya ay nakatapak sa hukay.
Kailangan ng bansa ang mga katulad ni Judge Rosales na matapang at mabagsik magparusa sa mga salot ng lipunan. Meron pa kayang katulad niya? Meron pa naman marahil. At ang mga natitira pang tulad niya ang dapat pangalagaan ng pamahalaan. Hindi sila dapat hayaang barilin na parang manok.