Hindi lamang dito sa Pilipinas may mga batang trabahador, marami pang bansa lalo na ang mga kabilang sa Third World. Ayon sa report ng International Labor Organization (ILO) may kabuuang 200 milyong kabataan sa buong mundo ang batang trabahador. Dito sa Pilipinas, tinatayang nasa 29,000 ang mga batang trabahador na ang mga edad ay nasa 10 hanggang 14.
Ayon pa sa ILO, karamihan sa mga bata ay ipinagbili para puwersahing magtrabaho. Karamihan din naman sa kanila ay hindi sinusuwelduhan. Ang iba ay ibinenta para gawing parausan ng mga maniac na dayuhan at ginagamit na mga modelo para internet sex. Kamakailan, isang German national ang hinuli ng mga awtoridad habang naaktuhang kinukunan nang hubot hubad ang mga kabataang babae at lalaki para sa kanyang negosyong kasuklam-suklam sex sa internet.
Noon pay marami nang batang trabahador ang nare-rescue sa mga pabrika ng Intsik. Karamihan ay sa mga pabrika ng kornik, patis, sitsirya at nakaaawa ang kalagayan sapagkat nasa isang makipot na kuwarto at doon nagbabalot ng mga produkto. Nanlalagkit sa pawis. Sinabi ng mga batang na-rescue na ni-recruit sila sa probinsiya at alam ng kanilang mga magulang kung saan sila dadalhin. Binigyan umano ng recruiter ng pera ang kanilang mga magulang.
Hindi bat ang muru-ami fishing ay naging kontrobersiyal sapagkat mga kabataang lalaki ang trabahador doon. Ipinagbawal ito pero gaano nakasisiguro na wala na ngayon. Gaano karaming bata ang trabahador sa mga pagawaan ng paputok?
Ang problema sa child labor ay dapat nang wakasan. Kung may mga pumupuna sa mga malalaswang advetisement gaya ng "kinse años", bakit hindi pagtuunan ng pansin ang puwersahang pang-aalipin sa mga bata. Kastiguhin din ang mga magulang sa pagtutulak sa kanilang mga anak na magtrabaho. Palayain sa pagka-alipin ang mga batang trabahador.