EDITORYAL - Taumbaya'y palayain sa kahirapan ng buhay

NGAYON ay ika-106 anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas mula sa malulupit na mga Kastila. Matagal na pinaglaban nina Andres Bonifacio, Jose Rizal, Apolinario Mabini, Tandang Sora at marami pang ibang anak pawis ang kalayaang ito. Pero kahit matagal nang panahong nakalaya sa mga Kastila, hanggang sa ngayon, hindi pa nakalalaya sa KAHIRAPAN ang nakararaming Pinoy. Marami pa ring nakasadlak sa kumunoy ng kahirapan.

Marami na ang namuno sa bansang ito mula nang lumaya sa mga Kastila subalit ang kahirapan ang nananatiling mortal na kalaban ng taumbayan. Hindi makahulagpos sa kuko ng kadahupan. Maraming sumasala sa pagkain at walang sariling tahanan. Maraming nakatira sa ilalim ng tulay, overpass, flyover, kariton, waiting shed at kung saan-saan pa. Hindi nababawasan ang dami ng mga nagugutom kundi nadadagdagan pa sa pagdaan ng panahon.

Marami nang naipangako ang mga namuno subalit ang problema ng kahirapan ay nananatiling problema. Makalipas ang dalawang EDSA revolution (1986 at 2001) marami ang nag-akala na ito na ang magiging daan upang makamtan ng mga Pilipino ang kaginhawahan sa buhay at makalaya sa kahirapan. Subalit wala ring nangyari. Mas maraming kawatan sa pamahalaan ang sumulpot at ang perang nakalaan sa pagpapaunlad ng bansa ay ibinulsa at marami ang yumaman. Mas marami ang naging gahaman at ang bulsa nila ang tanging naalala at hindi ang taumbayang nangangailangan.

Noong May 10, 2004 ay nagkaroon ng eleksiyon pero isang buwan na ang nakalilipas, wala pa ring resulta kung sino ang nanalong presidente at bise presidente. Patuloy naman sa pagtatalo ang mga magigiting na senador at kongresista. Pinatatagal ang canvassing ng mga boto para sa presidente at bise presidente. Apat na oras nagsalita nang nagsalita si Sen. Aquilino Pimentel. Karapatan daw niya iyon. Bago pa ang pagngakngak ni Pimentel, nagsalita na rin nang nagsalita si Maguindanao Rep. Didagen Dilangalen.

Ang pag-aantala sa canvassing ay maaaring maging dahilan para hindi maiproklama ang bagong presidente sa June 30. At kapag nangyari ito, ang taumbayan din ang apektado. Walang tigil sa pagtaas ang petroleum products at ngayong araw na ito simula ng taas ng pamasahe. Sa susunod na buwan ay magtataas naman ang singil sa kuryente. At susunod ang singil sa tubig. Ano pa ang kasunod?

Palayain sa kahirapan ang taumbayan. Palayain sa mga corrupt sa pamahalaan para wala nang kukurakot sa perang nasa kaban Palayain din naman sa mga mambabatas na nagsasayang ng oras at pera ng taumbayan.

Show comments