Pinaka-latest ay ang panggagahasa at pagpatay sa bank teller na si Candice Castro. Mag-iisang buwan na ang krimen subalit hanggang ngayoy nangangapa pa ang mga awtoridad. Bagamat may mga suspects na, mabagal pa rin kung paano tuluyang malulutas at makamit ng mga magulang at kapatid ni Candice ang katarungan. Natagpuang patay si Candice sa kanyang kuwarto sa 11th floor ng Vellagio Tower sa Leon Guinto st., Malate, Manila noong May 12. Isang suspect na ang nasa custody ng Western Police District pero malabung-malabo pa. Kahit na pumasok na ang National Bureau of Investigation ay wala pa ring makitang liwanag at bagkus ay lalo pang bumabagal sa pag-usad ang kaso. Umanoy ang abogado ng isa sa mga suspects ay taga-NBI.
Nasa custody na nga ng mga pulis ang isa sa mga suspects na si Phillipe Marcelo samantalang lumutang na sa NBI ang isa pa sa mga suspect na si Babes Reyes, umanoy anak ng isang mataas na opisyal sa Bureau of Immigration and Deportation (BID). Isinangkot ni Marcelo si Reyes. Itinanggi naman ni Reyes ang akusasyon.
Wala pang makitang liwanag at maski ang Department of Justice ay nabahala sa kabagalan ng pag-usad sa kaso ni Candice. Mag-iisang buwan na nga naman ay wala pang nababanaagang resulta. Nauna pang malutas ang pagpatay sa movie writer na si Ely Formaran. Brutal din ang pagpatay kay Formaran sa kanyang tinitirahang townhouse sa Quezon City. Nahuli ang suspect na si Eric Alba dahil sa ninakaw nitong cell phone na iniregalo naman sa kanyang girlfriend.
Naghihintay ng katarungan ang mga magulang ni Candice at huwag naman sanang ala-pagong ang pagkilos ng NBI at pulis-WPD. Magkaroon sana ng lubusang koordinasyon para sa solidong paglutas sa kasong ito. Hindi sana magkaroon ng whitewash sa kasong ito lalo pa ngat ang kasangkot ay anak ng isang opisyal ng BID.