Hindi masisisi kung may mainis nang taxpayer sa nangyayaring balitaktakan sa Congress gaya ni Suzette Pido. Nairita si Pido dahil sa pagsasayang ng oras ng mambabatas na si Maguindanao Rep. Didagen Dilangalen. Isinulat ni Pido ang mga kata-gang "Shut up. Youre wasting our time. Taxpayers of the Philippines". Ipinaabot ang note kay Dilangalen. Nang mabasa ni Dilangalen nagwala ito. Lalo nang nagkaroon ng pagtatalo at walang katapusang pagbabangay. Nang sawatain ng iba pang mambabatas ay lalo lamang nagwala si Dilangalen. Sampung ulit nitong sinabi ang "Shut up!" habang nagsasalita si Deputy Speaker Raul Gonzales. Bastusan na ang nangyari. Nagmistulang hinalong kalamay ang Congress.
May katwirang mainis at magalit ang taxpayers sa nangyayaring ito. Pera nila ang nasasayang. Kung may karapatan si Dilangalen na magpatalsik ng laway sa Congress sa loob ng apat na araw, mas lalong may karapatan ang taxpayer na si Pido. Noon pang Martes nagsimula ang pagde-debate sa Congress at natapos ang buong araw sa pagtatalo. Nasa joint session ang Congress at Senado at tumatayo bilang National Board of Canvassers. Ang Congress lamang ang maaaring magproklama ng nanalong presidente at bise presidente ayon sa itinatadhana ng Constitution.
Maaaring masundan pa ang ginawa ng taxpayer na si Suzette Pido kung hindi titigil ang mga mambabatas sa ginagawang pagsasayang ng oras sa pagdedebate. Ang mga taxpayers na ang mag-aalsa dahil sa patuloy nilang pag-aatrasado sa pagbibilang ng mga certificate of canvass. At maaari ba nilang sansalain ang sigaw ng taumbayan? Ipinakita na ang pagkakaisa ng taumbayan sa mga nakaraang EDSA rebolusyon at maaaring magkaganito rin kung patuloy ang mga mambabatas sa pagsasayang sa pera ng taumbayan.