Kung mananalo sa huling halalan sina Bong Revilla, Lito Lapid at Jinggoy Estrada, tatlo silang dating artista, miski mawala na sina Sotto at Ramon Revilla. Magkakaroon din ng mag-ina, Jinggoy at Loi Ejercito. Kaya may nagsasabing mag-share na lang sana sila ng kuwarto, staff, budget at parking slotpara makatipid ang Senado. Lalo pa namang out-on-bail lang si Jinggoy sa kasong karumal-dumal na plunder.
Sa pulitikang-Pinoy din lang tila minamana ang pusisyon, tulad ni Pia Cayetano na anak ng yumaong Sen. Rene Cayetano. Nag-senador din ang mga ama nina Mar Roxas at Serge Osmeña.
Sa showbiz, sinasabing di-hihigit sa "six degrees of separation" ang bawat artista. Pero si Lito Lapid, four degrees of separation mula sa anak na Gov. Mark Lapid: si Lito, dating ka-live-in ni Melanie, kapatid ni Joey, dating ka-live-in ni Kris, na syota ngayon ni Mark.
Ganun din sa House of Representatives. Si Rep. Ricky Sandoval (Navotas) ay anak ni Rep. Brown Sandoval (Pala-wan). Uupo rin ang mag-tiyuhing Mikey Arroyo (Pampanga) at Iggy Arroyo (Negros Oriental).
Sa Pilipinas din pami-pamilya kung kumandidato: magkapatid na Bongbong at Imee Marcos bilang governor at congresswoman ng Ilocos Norte; mag-amang Juan Ponce Enrile bilang senador at Jack bilang congressman ng Cagayan. Tumakbo sina Mel Mathay bilang mayor ng Quezon City, Chuck bilang congressman ng 2nd district, at Bu bilang konsehal sa 4th district. Tumakbo rin sina Rey Malonzo, ang asawa at anak bilang congressman, mayor at konsehal sa Caloocan. At ang mag-asawang Joey Marquez at Alma Moreno bilang congressman at mayor sa Parañaque. O, di ba, only in the Philippines!