Ilehitimong apelyido

ANG mag-asawang Artemio Garcia at Carmen Reyes ay may isang anak, si Ted. Hindi nagtagal ay namatay si Artemio.

Matapos ang apat na taong pangungulila, nagkaroon ng relasyon si Carmen sa ibang lalaki. Hindi ito nauwi sa kasalan kahit na nagkaroon sila ng anak, si Anita.

Lumuwas ng Maynila si Carmen kasama ang kanyang dalawa niyang anak upang manirahan sa kanyang biyenang babae na si Concordia Garcia (ina ni Artemio). Pinalaki si Anita sa bahay ng kanyang lola na si Concordia gamit niya ang pangalang Anita Garcia sa rekord niya sa paaralan. Kinilala rin siya bilang Garcia ng kanyang mga kaibigan at kapitbahay. Pinaboran din siya ng pinakamalapit na kamag-anak ng nasirang Artemio Garcia upang maitago siya bilang ilehitimong bata.

Subalit nang umabot na si Anita sa edad na 20 kung saan kinakailangan niya ang kopya ng kanyang sertipiko ng kapanganakan, natuklasan niyang nakarehistro siya hindi bilang Anita Garcia kundi Anita Reyes – ang apelyido ng kanyang ina. Nalaman din niya na isa siyang ilehitimong anak ni Carmen at ng hindi kilalang ama. Hindi nasiraan ng loob si Anita, bagkus nagsampa siya ng petisyon sa Korte upang palitan ang kanyang pangalan sa sertipiko ng kapanganakan mula Anita Reyes sa Anita Garcia.

Nalathala ang kanyang petisyon sa peryodiko at walang naging pagtutol si Concordia pati na ang mga kaibigan at kamag-anak ng nasirang Artemio Garcia. Sa halip ay sinuportahan pa nila ang petisyon ni Anita. Dagdag pa rito ang naging pag-ayon ng Solicitor General.

Samantala, hindi ito pinaboran ng mababang hukuman dahil magreresulta raw ito ng maling impresyon o paniniwala sa isang pamilya – na si Anita ay isang lehitimong anak ni Artemio. Tama ba ang Korte?

MALI.
Ang prinsipyo na ginamit ng Korte na ang pagpapalit ng pangalan ay magreresulta ng maling impresyon ay balido lamang ito kung ito ay makakapinsala sa pangalan ng taong nadamay o sa mata ng publiko.

Sa kasong ito, walang naging pagtutol ang publiko lalo na ang pinakamalapit na kamag-anak ni Artemio Garcia. Bagkus, buong suporta at pagkilala ang kanilang ibinigay kay Anita.

Kaya, malayang magagamit ni Anita ang apelyidong Garcia (Llaneta vs. Agrava, 57 SCRA 29).

Show comments