Marami pang nakalinya ang gobyerno kung paano pipigain ang mamamayang naghihigpit ng sinturon. Inuunti-unti ang pagpiga. Kamakailan, inihayag ng gobyerno ang planong pagta-tax sa text messaging. Ang pahayag na ito ay pag-ulit lamang sa mga plano noon pang nakaraang taon. Ang akala ng marami ay nakalimutan na ang planong pagta-tax sa text messaging, hindi pa. Naghihintay lamang ng pagkakataon. Ngayon nga ay balak na nila itong ipatupad. Magandang balita pagkaraan ng eleksiyon kung saan ay si President Gloria Macapagal-Arroyo ang nangunguna at nagpapakita ng palatandaang uupong presidente sa loob ng anim na taon.
Bukod sa pagta-tax sa text messaging, nakalinya rin ang pagta-tax sa mga pampasaherong sasakyan at sa mga produktong petrolyo. Ang planong pagta-tax ay upang makalikom umano ang gobyerno ng karagdagang P50 billion sa revenues. Pagpapataw ng tax ang prayoridad ng gobyerno. At sa lahat ng kanilang pagkukunan ng tax ay ang maliliit o mahihirap ang tiyak na apektado. Kapag pinatawan ng tax ang tax messaging, maraming karaniwang mamamayan ang sisigaw sa sakit. Babawiin ito sa kanila ng telecommunications companies. Kapag pinatawan ng tax ang public transport, tiyak tataas ang pasahe. Kapag binuwisan ang petroleum products lahat ay tataas kabilang ang mga pangunahing bilhin. Ang mahihirap ang pigang-piga.
Wala na bang ibang maisip ang gobyerno at sa karaniwang mamamayan nila kukunin ang buwis para maidagdag sa kaban ng bayan? Katawa-tawa ang kanilang naiisip na ito. Sa halip na pagaanin ang pasanin ng mamamayan ay dadagdagan pa ng pabigat. Nakatatawa ito sapagkat katatapos lamang ng eleksiyon at sariwa pa ang mga ipinangako sa mahihirap na pagagaanin ang buhay.
Sa halip na pigain ang mamamayan, habulin nila ang mga corrupt sa BIR, Customs at DPWH. Sa halip na ang mamamayan ang pahirapan, dakmain ang mga tax evaders sapagkat sila ang nagpapahirap sa bayan..