Kung titingnan ang sitwasyon baka magkaroon ng 12 beses na pagtataas ngayong taong ito. Buwan-buwan kasi ay tumataas at ang nakapagtataka, hindi naman nakikitaan ng pagkabahala ang gobyerno tungkol sa problemang ito. Sa halip pa nga ay ipinayo na tiiisin na lamang o ngumiti sa nangyaring pagtataas. Wala raw magagawa ang gobyerno. Ang pagtataas daw ng petroleum products ay dahil naman sa pagtaas ng presyo ng langis sa world market. Apektado umano ng nangyayaring giyera sa Iraq. Kakatwa rin na ang Energy Secretary pa ang nagiging spokesman ng tatlong higanteng kompanya.
Walang magagawa kundi ang magtiis ang taumbayan na ngayon ay nararamdaman na ang bigat nang walang tigil na pagtataas ng gasoline at LPG. Tumataas na ang mga pangunahing bilihin at pati ang pamasahe sa jeepney, bus at taxi ay nakaamba na ang pagtataas. Simula sa June 9 ay magiging P5.50 na ang minimum na pamasahe sa mga jeepney samantalang sa mga bus ay P6. Walang ibang tatamaan ng pagtataas na ito kundi ang karaniwang mamamayan na matagal nang nagtitiis. Ang kanilang kinikita ay hindi na kayang tugunan ang pangangailangan sa araw-araw. Ayaw namang magdagdag sa suweldo ng mga manggagawa.
Sa ganitong walang tigil na pagtataas ng presyo ng langis, nararapat nang ibasura ang oil deregulation law o ang Republic Act No. 8479. Wala na itong silbi. Mula nang magkaroon ng deregulation ng presyo ng oil products noong 1996 lalo lamang nagkaroon ng problema. Bilib it or not pero may 60 beses nang nagtaas ng presyo ang mga kompanya ng langis mula noon. Ang pagkakaroon ng deregulation ay nagtulak lamang sa mga kompanya ng langis para lalo lamang magtaas nang magtaas. Nagsipasok nga sa bansa ang mga bagong kompanya ng langis pero wala ring pagbabago at nagpaligsahan lamang sa pagtataas ng presyo. Ang mga karaniwang mamamayan naman ang grabeng naapektuhan.
Sa nangyayaring ito dapat nang ibasura ang oil deregulation law. Magandang gawin ng mga bagong halal na mambabatas na i-repeal na ang batas na ito. Kung mayroon silang dapat unahin sa pagbubukas ng bagong Kongreso, ito ay ang pagbasura sa inutil na batas.