Ilang ulit ko nang binanggit sa kolum na ito na maaga at hindi pa napapanahon para humusga ang mga oposisyon sa pangunguna ng mga lider ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP). Sinabi kong bakit hindi muna patapusin ang opisyal na bilangan ng Comelec at Namfrel.
Subalit, ang malungkot nito mukhang hindi mapigil sina Sen. Tito Sotto at Francisco Tatad na batikusin ang kredibilidad ng Comelec at Namfrel. Tama ba na siraan ang dalawang ahensiyang ito dahil natatalo na si FPJ?
Ngayon ay hindi lamang ang administrasyon ni GMA ang inaakusahan nila ng pandaraya kundi pati na sina chairman Joe Concepcion at Sec. Gen. Guillermo Luz ng Namfrel na diumano ay kumikiling sa kandidatura ni President Gloria Macapagal-Arroyo. Inakusahan din nina Sotto, Tatad at ng mga taga-KNP ang dalawang mataas na opisyal ng Namfrel na ipinalalabas na nagunguna si GMA sa bilangan. Sagot naman nina Concepcion at Luz, na may poll watchers ang KNP, bakit hindi nila tanungin ang mga ito kung may mga ebidensiya nga sila ng dayaan? Bullseye!
Tumigil kayong mga taga-KNP sa pangunguna nina Sotto, Tatad at iba pa sa kasasatsat. Naninira kayo ng walang sapat na katunayan. Huwag muna ninyong guluhin ang proseso ng eleksyon. Hintayin matapos ang bilangan at saka kayo maghain ng protesta na may mga sapat na katibayan. Tigilan na ninyong udyukan ang taumbayan ng rebolusyon na lalong magpapabagsak sa ating bayan. Gayahin na lang sina Ping Lacson at Raul Roco.