Tapos na ang paghahari ng mga pulitikong mag-asawa at mag-aama. Isang magandang halimbawa ay sa Quezon City kung saan ay ibinasura ng mga botante ang mga kandidatong Mathay. Inilampaso ni Mayor Feliciano "SB" Belmonte ang kalaban niyang si dating mayor Ismael Mathay Jr. samantalang natalo rin ang kanyang anak na si Chuck Mathay na tumatakbong kongresista sa second district. Ibinasura na rin ang mag-asawang Rey Malonzo at Gigi sa Caloocan City. Maski ang asawa ni Malabon Rep. Ricky Sandoval na si Jennie, kandidatong mayor ay natalo rin. Ganyan din ang nangyari sa asawa ni dating Mayor Bobbit Carlos ng Valenzuela City. Nangulelat ang asawa nitong si Rita na tumakbong mayor.
Maski ang mga naghaharing pulitiko ay isinuka rin kagaya ng nangyari sa Cainta, Rizal kung saan isang baguhan ang kanilang ibinoto. Tinalo ng ABS-CBN reporter na si Mon Ilagan si Nicanor Felix para sa pagka-mayor. Ang mga Felix ay may anim na dekada nang namamayagpag sa Cainta. Maski sa probinsiya ay isinuka na rin ang mga namamayagpag na angkan ng mga pulitiko. Isang halimbawa ay sa Isabela kung saan isang babae pa ang tumalo sa maimpluwensiyang angkan ng mga Dy. Tinalo ni Ma. Gracia Padaca sa pagka-governor si Faustino Dy Jr.
Naging kapansin-pansin din ang pagbasura sa ilang mga kandidatong artista. Mababanggit si dating Parañaque Mayor Joey Marquez na tinalo ni dating National Security Adviser Roilo Golez. Natalo rin si Alma Moreno na tumatakbong mayor ng Parañaque.
Malaki na ang pagbabago sa mga botante. Natututo na sila kung sino ang karapat-dapat na iboto. Matatalino na at hindi basta nauuto ng mga pulitiko. Nagsasawa na sa dating namumuno at ang sigaw ay pagbabago. Palitan na!. Tinitingnan na ang track record ng kandidato at hindi ang popularidad lalo na kung isang artista. Sa mga susunod na election ay tiyak na makikita pa ang malaking pagbabago. Tiyak na marami pang kandidatong karay-karay ang kanilang asawa at anak ang pupulutin sa kangkungan. Pati na rin ang mga angkan-angkang kandidato ay malulusaw.