Kaya kung sino man ang lalabas na panalo pagka-Presidente, ito ang bati ko: Kung si GMA, isa ka sa maraming Presidenteng nagpalaki ng utang. Kung si FPJ, nananahimik ka sa pelikula, pinasok mo ang gusot na ito. Kung si Ping, kaya ba itong lutasin sa salvage? Kung si Roco, get well soon. Kung si Bro. Eddie, trilyong dasalan din ito.
Apat pang salot, karugtong ang utang, ang dapat nilang lutasin.
Ang populasyon, 2.4% lumaki taun-taon. Ibig sabihin, sa bawat dalawang Pinoy na namamatay, lima ang pumapalit. Hindi naman lumalaki ang lupa, ang kita ng bansa at indibidwal, ang dami ng ani o alagaing hayop o huling isda. Ang hinaharap natin: gutom at kahirapan.
Konti na nga ang pondong gobyerno, nawawaldas pa ang 20% sa katiwalian. Mahirap na nga ang buhay, wala pang hustisya, pabaya pa sa kalusugan at kapaligiran, at bulok ang edukasyon. Hindi nakukulong ang mga tiwali.
Dahil sa kahirapan at kamangmangan, lumalala rin ang krimen sa tao at ari-arian. May mga sumasapi sa taong-labas, sa Moro secession, o sa mga terorista bilang hanapbuhay at paghanap ng katarungan.
Dahil sa gulo at katiwalian, polusyon at kamangmangan, lumilipat sa ibang bansa ang mga negosyo. Tinatayo ang mga pabrika kung saan may kaayusan, kalinisan, katahimikan at edukasyon. Nawawalan tayo ng trabaho. Nagma-migrate na lang ang mga may-pinag-aralan.
Sa lalabas sa pagka-Presidente, dito masusubukan ang galing mo.