Paglobo ng populasyon nakaamba sa mga Pinoy

DAPAT magtulungan ang gobyerno at ang Simbahang Katoliko para maagapan ang pagtaas ng bilang ng Pinoy na maaaring aabot na sa 126.96 milyon sa 2050. Ang population kasi natin ay aabot na sa 84 milyon matapos ang taon na ito dahil halos 1.7 milyon na bata ang ipinapanganak kada taon. Eh umaabot sa 38 porsiyento ng mga Pinoy ang baon sa kahirapan sa ngayon at kapag hindi napigil ang population growth natin, aba malaking problema ang idudulot nito sa hinaharap. Kaya, ngayon pa lang marami na sa mga naalarma na pulitiko natin ang umaapela sa gobyerno at Simbahang Katoliko na gumawa na ng karapat-dapat na mga hakbangin para malutas ang problemang ito, ‘‘Saan tayo kukuha ng pagkain kapag sumobra ang dami natin?’’ ani reelectionist Pasay City Mayor Peewee Trinidad. ‘‘Paano natin mabigyan ng tamang health care at edukasyon ang mga kabataan?’’ dagdag pang tanong ni Peewee. Sinang-ayunan ni reelectionist Navotas Mayor Tobias Tiangco si Trinidad. Ani Tiangco ang malaking population natin ay maaring hindi na makayanan ng resources ng bansa. Sinabi ni Tiangco na dapat pag-aralan ng mag-asawa ang tamang bilang ng bata na gusto nila para matustusan ang kinakailangan nila lalo na sa aspeto ng health care at edukasyon. Kaya kayo mga suki, lumabas kayo at bomoto bukas pero ang piliin n’yo ay ang mga kandidatong may paninindigan sa family planning para magkaroon ng linaw ang problema natin sa population explosion.

Itong population growth kasi ang sinisisi kung bakit mabagal ang pag-usad ng ekonomiya ng bansa natin. Ayon sa National Academy of Science and Technology (NAST), ang Pilipinas ang may pinakamababang annual gross domestic product (GDP) growth kada tao kumpara sa mga kapitbahay natin sa Asia. Ang GDP ng bansa ay nasa 1.2 percent lamang samantalang ang Thailand at Malaysia ay nasa 4.8 percent na. Kaya hayan, paano natin mapapangalagaan ang kinabukasan ng kabataang Pinoy kung sobra ang dami nila? He-he-he! Kaya ang kinalabasan niyan lalong dumadami ang bilang ng mahihirap sa ating bansa, di ba mga suki? At ang tiyak diyan, tataas na rin ang kriminalidad natin.

Ayon naman kay Fr. John Carroll S.J. hindi dapat itikom ng gobyerno at mga pulitiko ang bibig nila ukol sa population issue dahil sa Simbahang Katoliko. Si Carroll, na chairman of the Board ng Institute on Church and Social Issues, ay nagpaliwanag na ang Simbahan ay nagbibigay lamang ng moral guidance ukol sa pagboto pero bahala na ang kanilang disipulo kung papaano itaguyod ito. Isinusulong ni Fr. Carroll ang natural family planning ng Simbahan pero inamin niya na hindi angkop ito sa mga poor communities tulad ng Payatas sa Quezon City. May Katwiran si Carroll sa puna niya dahil siya ang namamahala ng feeding program doon sa Payatas para mailigtas sa malnutration ang mga kabataan na maagang natutong magtrabaho dahil sa sobrang kahirapan. Aniya, hindi kaagad-agad masilayan ang resulta ng hakbangin ng gobyerno sa problema ng population dahil aabot pa sa 20 to 30 bago magkaresulta ito. Tinitiyak ni Carroll na ang problema ng malaking pamilya ay mananatili pa sa mga squatters area sa mahabang panahon.

Show comments