EDITORYAL - Paigtingin pa ang seguridad

HINDI ang mga karahasang dulot ng private armies ng mga kandidato ang banta sa election bukas kundi ang mga terorista. Batay sa report, magsasagawa ng mga pambobomba ang terorista para mapigilan ang pagdaraos ng election. Nag-aabang lamang umano ang mga ito at kapag nakalingat ang mga awtoridad ay saka sasalakay.

Ang Metro Manila ang target ng mga terorista. Mula nang bombahin ang commuter train sa Madrid, Spain mahigit isang buwan na ang nakararaan, napabalitang isa ang Pilipinas na isusunod bombahin ng mga terorista. Maraming namatay sa Madrid bombing. Makaraang bombahin ang Madrid, isinunod na binomba ang isang gusali sa Riyadh, ilang linggo na ang nakararaan. Marami rin ang namatay doon.

Naging alerto ang mga awtoridad. Ikinalat ang mga pulis at marines sa maraming lugar. Noong Lunes, dalawang lalaking pinaghihinalaang Abu Sayyaf ang nahulihan ng bomba sa Intramuros, malapit lamang sa building ng Commission on Elections (Comelec). Ayon sa mga pulis, malakas ang nakumpiskang bomba na maaaring pumatay sa maraming tao. Ang bomba ay katulad ng mga ginagamit ng Abu Sayyaf at Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ang Abu Sayyaf ay teroristang grupo na nakakuha ng suporta sa Al-Qaeda movement ni Osama Bin Laden. Inaresto ang dalawa habang nakasakay sa nakahimpil na FX taxi sa madilim na bahagi ng isang kalsada sa Intramuros. Itinanggi naman ng dalawa na sila ay mga Abu Sayyaf.

Ang paghahasik ng karahasan ay gawain na ng mga uhaw sa dugong Abu Sayyaf na marami nang pinatay. Kahit na marami nang nalagas sa kanilang grupo kagaya nina Abu Sabaya at nang nadakip na si Kumander Robot, nananatili pa rin silang banta sa bansang ito. Paulit-ulit ang pagsasabog nila ng lagim. Marami na silang pinugutan ng ulo, tinapyas na suso, ginahasang bihag at kung anu-ano pang karumal-dumal na gawain.

Ngayo’y ang pambobomba naman ang kanilang inaatupag. Nang masunog ang SuperFerry 14 ilang buwan na ang nakararaan, lumutang ang mga Abu Sayyaf at sinabing sila ang may kagagawan ng pambobomba. Sila rin ang nasa likod ng pambobomba sa Sasa Wharf at Davao International Airport.

Ang paghahasik ng karahasan sa election bukas ang isasagawa raw ng grupo. Dapat lamang na paghandaan sila. Hindi dapat ipagwalambahala ang report na sasalakay sila sa Metro Manila. Durugin ang Abu Sayyaf! Durugin ang mga terorista!

Show comments