Kasal na walang wedding cake

NAKATAKDANG ikasal sina Vicky at Rick sa petsang December 14. Isang buwan bago ang kasalan, nag-order na sila ng ‘‘three-layered’’ wedding cake sa isang kilalang bakeshop na pag-aari ni Minda. Ang nasabing cake ay dadalhin sa isang Country Club kung saan magaganap ang reception bandang alas-sinko ng hapon. Nagbayad si Vicky ng P1,000 para sa deposito at makaraan ang dalawang linggo ay binayaran na rin niya ang balanseng P2,175.00.

Makatapos ang seremonya ng kasal, pumunta na ang bagong-kasal at ng kanilang mga pamilya at bisita sa clubhouse ng alas-sais ng gabi ngunit wala pa rin ang cake. Tinawagan nila ang bakeshop ng alas-siyete subalit dahilan ng manager ang trapik at ang pagkawala ng order slip kaya ipinaliwanag nitong hindi na madadala pa ang cake sa tamang oras. Nagdesisyon ang bagong kasal na bumili na lamang ng sans rival sa clubhouse. Samantala, ang cake ay dinala bandang alas-diyes ng gabi. Hindi ito tinanggap dahil natapos na ang okasyon at dalawang layer lamang ang nagawang cake.

Makaraan ang ilang araw, nagpadala si Minda ng sulat ng paumanhin kalakip ang tsekeng nagkakahalaga ng P5,000. Subalit hindi ito tinanggap nina Vicky at Rick dahil hindi raw ito sapat na kabayaran sa kahihiyang kanilang natamo. Muling inalok ni Minda ng P5,000 ang mag-asawa pero tumanggi ring muli ito. Makaraan ang tatlong buwan, nagdemanda sina Vicky at mga magulang nito laban kay Minda at sa manager ng bakeshop na si Julie sa brench of contract kung saan may actual damages na P3,175 na siyang halaga ng cake, moral damages na P250,000, P100,000 naman bilang exemplary damages, nominal damages na P10,000 at attorney’s fees na P10,000.

Iginawad ng Mababang Hukuman ang halagang P3,175 bilang actual damages, P30,000 para sa moral damages at P10,000 para sa attorney’s fees. Ngunit sa apila, itinaas ng CA ang moral damages sa halagang P250,000 at P100,000 na exemplary damages kasama na rin ang attorney’s fees.

Kinuwestiyon ni Minda at Julie ang desisyon. Iginiit nilang hindi tama ang paggawad ng moral at exemplary damages dahil ang nasabing paglabag sa kontrata ay hindi sanhi ng kanilang pagpapabaya, pang-aabuso at pang-aapi. Tama ba sina Minda at Julie?

TAMA.
Kinakailangang patunayan ng taong napinsala na ang paghingi ng moral at exemplary damages ay dulot ng pagkakaroon ng masamang motibo, pagpapabaya, pang-aabuso at pang-aapi. Hindi sapat na dahilan lamang ang natamong kahihiyan o kakulangan ng pagtulog sanhi ng sama ng loob.

Sa kasong ito, naging responsable si Minda na agad humingi ng dispensa kina Ricky at Vicky sa pag-antala ng wedding cake. Nag-alok din sila ng kabayaran sa nangyaring problema kaya hindi masasabing inapi, nagpabaya, o inabuso nila ang napagkasunduang kontrata.

Gayunpaman, magbabayad pa rin sina Julie at Minda ng P10,000 bilang nominal damages para sa kanilang pagsisinungaling na ang pagka-antala ay sanhi ng trapiko kung saan ang totoong dahilan ay ang pagkawala ng order slip. Kailangan din nilang bayaran ang halaga ng cake na P3,175 at attorney’s fees na P10,000 (Francisco et. al. vs. Ferrer, Jr. et al. G.R. 1420229 February 28, 2001).

Show comments